UMAPELA si Senador Raffy Tulfo sa airline companies na bigyan ng special rate sa airfare ang mga returning overseas Filipino workers (OFWs) na nangangarap makapiling ang kanilang pamilya pagkatapos ng mahabang panahon na pagkakawalay sa kanila.
Ayon kay Tulfo, dumoble ang presyo ng pasahe papasok at palabas ng bansa dahil sa pagkasira ng Communications, Navigation and Surveillance System for Air Traffic Management o (CNS/ATM) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ito rin ang dahilan kung bakit maraming OFWs ang naantala ang planong bakasyon sa bansa upang makapiling ang kani-kanilang pamilya para ipagdiwang ang nagdaang Pasko at Bagong Taon.
Ilang OFWs na naperhuwisyo sa pagkasira ng CNS/ATM ang lumapit kay Tulfo upang idulog ang kanilang pagkadesmaya dahil sa sobrang pagmamalabis ng ibang airline companies sa pagtataas ng pasahe.
Halimbawa, pumapalo sa P90,000 hanggang P140,000 ang one-way flight ng Manila-Japan na hindi na kakayanin ng OFWs na limitado ang budget.
Partikular na hinimok ni Tulfo ang Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific na ikonsidera ang pagbibigay ng preferential pricing system na pumapabor sa mga OFW na itinuturing na bayani sa bansa.
“It would be unfair for our OFWs to absorb the fault or negligence of CAAP for the maintenance of their CNS/ATM system. Marami sa kanila, isang beses lang o mas malimit pa makauwi sa isang taon. ‘Yung pera na sana’y pasalubong o ‘di kaya pangsuporta sa kanilang pamilya ay pilitang napunta sa pasahe,” ani Tulfo.
Ayon sa isang Airline company na nakausap ng tanggapan ni Tulfo, ang biglaang pagtaas ng pasahe ay dulot ng demand-based algorithm na pinagbabasehan ng airlines sa pagpapataw ng airfare increase.
Nakikipag-ugnayan ang Senador mula sa Isabela at Davao sa Department of Migrant Workers para sa posibleng pag-subsidize sa discounted airfares ng mga OFW na apektado ng nasabing aberya.
“I stand with my colleagues, especially Sen. Grace Poe and the Senate President Zubiri in initiating an investigation as to the breakdown of essential navigational and air traffic control systems,” saad niya.
Isa sa unang tatalakayin ng Senado ang nangyaring pagkasira ng CNS/ATM sa pagbabalik ng kanilang regular session sa 23 Enero 2023. (NIÑO ACLAN)