NAGHAIN sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla, Jr., ng magkakahiwalay na resolusyon para humiling na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon ukol sa naganap na airspace shutdown na sinabing dahilan ng ‘technical glitch.’
Nakapaloob sa resolusyon ni Villanueva, kung magpapatuloy ang airspace traffic management ay tiyak na magkakaroon ng epekto sa local at foreign tourists.
Tinukoy ni Villanueva, hindi dapat isantabi ang naitalang ang NAIA ay isa sa “worst airports” sa loob ng tatlong taon mula 2011 hanggang 2013 at pang-apat noong 2014 at panglima noong 2016, dahil malaki ang epekto nito sa magiging reputasyon ng bansa pagdating sa sistema ng paliparan.
Sa resolusyon ni Revilla, nais niyang matukoy ang totoong dahilan ng naganap na pagtigil ng operasyon na lubhang nakaapekto sa 282 flights, 56,000 pasahero, na 3,000 sa kanila ay pawang overseas Filipino worker (OFWs).
Iginiit ni Revilla, kailangang pag-aralan ang lahat lalo na’t hindi lamang ang NAIA ang naapektohan kundi ang lahat ng paliparan sa bansa.
Naniniwala si Estrada, dapat busisiin ang lahat ng aspekto sa gagawing imbestigasyon kabilang ang tinatawag na cyber attack kung mayroon man.
Umaasa si Estrada, maitatakda ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon sa ilalim ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe.
Kaugnay nito, nanawagan ang senador sa mga airline company na maging makatao sa oras ng pangangailangan ng kanilang mga pasahero lalo sa mga naapektohan ng naganap na airspace shutdown dahilan umano sa ‘technical glitch.’
Aniya, bagamat hindi kasalanan ng mga airline company ang insidente, marapat na asikasohin ang mga apektadong pasahero.
Tinukoy ni Estrada na magkaloob ang mga airline company ng pagkain sa ilang mga pasahero na walang ekstrang pera kundi sapat ang baon sa pagbiyahe gaya ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Inihayag ng senador, may mga reklamong imbes tulungang mag-rebook ng kanilang tickets ay nagkanya-kanyang gawa ng paraan para sa kanilang re-booking ang mga pasahero.
IIang kakilala o kaibigan ng senador ang nagsabing hindi man lamang nag-alok ng kahit ano ang airline companies gaya ng hotel voucher o pagkain.
Aniya, sa ganitong mga insidente, dapat ay handa ang airlines para alalayan ang mga pasahero lalo ang mga OFWs na sapat lamang ang baong pera at walang ekstrang pambili ng pagkain sa hindi inaasahang aberya.
Posible rin maapektohan ang kanilang trabaho dahil maaaring kanselahin ng kanilang mga employer ang kontrata.
Umaasa si Estrada, sa hinihiling niyang imbestigasyon sa senado ay matatalakay ang mga nabanggit upang higit na mabigyang proteksiyon ang karapatan ng mga pasahero. (NIÑO ACLAN)