NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa mga gumagamit ng subscriber identification module o SIM, sa mobile phone o laptop, laban sa natuklasang GCash scam bago magsimula ang SIM registration na nakatakda sa 27 Disyembre.
Isiniwalat ni Gatchalian, ang isang mapanlinlang na email na galing sa “GCash Promotions” na nagpapayo sa mga nakatanggap na ang kanilang mga transaksiyon ay nagkaroon ng restrictions at upang maibalik ang features, sila ay kailangan mag-pre-register sa pamamagitan ng pag-click sa isang link. Maaaring makompromiso nito ang online security. Ang naturang mapanlinlang na email ay kinompirma ng GCash Team na isa ngang scam.
“Ipinaglaban natin ang pagsasabatas ng SIM registration sa nakalipas na maraming taon dahil gusto nating protektahan ang mga gumagamit ng SIM laban sa panloloko ng cyber criminals. Kailangan nating abisohan ang ating mga kababayan na mag-ingat nang husto laban sa mga sari-saring pambibiktima ng mga kawatan,” ani Gatchalian.
Simula 27 Disyembre ngayong taon, kailangang irehistro ng mga gumagamit ng SIM sa loob ng 180 araw o 6 buwan kung ayaw nilang ma-deactivate mula sa kani-kanilang service provider.
Bilang co-author ng Republic Act 11934, o ang SIM Registration Act, hinimok ni Gatchalian ang mga SIM users na irehistro ang kanilang mga SIM sa lalong madaling panahon. Binigyang-diin niyang ito ay magbibigay-daan sa mga awtoridad na subaybayan ang mga indibidwal na gustong magsamantala sa customers.
Sinabi ni Gatchalian, nasa panukalang batas ang mga probisyon na magtitiyak sa proteksiyon ng personal na impormasyon ng mga customer.
“Ang identity theft ay isa sa mga online scam na gusto nating pigilan kaugnay sa pagsasabatas ng SIM registration. Ang proseso para sa pagbubunyag ng personal na impormasyon ay isang mahigpit na proseso na nangangailangan ng isang court order,” dagdag nya.
Sinabi ni Gatchalian, kailangan tiyakin ng mga gumagamit ng SIM na sila ay magpaparehistro lamang sa pamamagitan ng isang secure na platform o website na ibinigay ng kani-kanilang mga service provider.
Ang proseso ng pagpaparehistro ay nangangailangan ng impormasyon, kabilang ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian, address, at valid government ID o mga katulad na dokumento na may larawan, habang ang mga business user ay dapat magbigay ng kanilang pangalan ng negosyo, address ng negosyo, at buong pangalan ng isang authorized signatory. (NIÑO ACLAN)