NAIS ni Senador Win Gatchalian na mabigyan ang mga construction worker ng mandatory insurance coverage ng kanilang mga employer dahil sa panganib na kanilang hinaharap sa kanilang trabaho.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 821, o ang Construction Workers Insurance Act, na nag-oobliga sa mga employer ng construction workers na magbigay ng mandatory group personal accident insurance coverage upang magarantiyahan ang mabilis at mahusay na paghahatid ng indemnity sakaling maaksidente ang mga manggagawa.
Saklaw dapat ng insurance coverage ang naaayong halaga para sa aksidenteng nagdulot ng kapansanan o kamatayan sa isang manggagawa.
“Ang insurance coverage para sa ating mga construction worker ay makatutulong sa mga employer na makapagbigay ng mas mahusay na mga paraan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng kanilang mga manggagawa, na pangunahing layunin ng panukalang batas,” ani Gatchalian.
Ayon sa naturang panukala, ang coverage ng insurance ay magsisimula sa unang araw ng pagtatrabaho ng construction worker hanggang pagkompleto ng construction project o sa pagtatapos ng kontrata ng trabaho.
Dagdag ni Gatchalian, ang mga premium na babayaran sa insurance company ay magmumula sa employer at hindi dapat ibawas sa sahod ng mga construction worker.
Ang minimum na insurance coverage ay P75,000 para sa natural death, P100,000 para sa accidental death, P150,000 para sa pagkamatay habang nasa trabaho, P50,000 kung nawalan ng parehong kamay, P50,000 kung nawalan ng dalawang paa, P50,000 kung nawalan ng isang kamay at isang paningin, at P50,000 kung nawalan ng isang paa at isang paningin.
Sa ilalim pa rin ng panukala, ang mga manggagawa sa konstruksiyon ay magkakaroon ng karapatan na makatanggap ng patas at agarang mga benepisyong medikal sa mga pangyayaring may kaugnayan sa trabaho.
“Hindi maikakaila, sa maraming pagkakataon, ang trabaho ng mga construction worker ay mapanganib kung kaya’t kailangan nating alagaan ang kanilang kaligtasan at kalusugan,” sabi ni Gatchalian. (NIÑO ACLAN)