UMABOT sa 1,200 swimmers ang kompirmadong lalahok sa 1st Mayor Ruffy Biazon Swim Cup na nakatakda bukas, 3 Disyembre 2022 sa bagong itinayong Muntinlupa Aquatic Center sa Muntinlupa City.
Sinabi ng organizing Swim League Philippines (SLP) na pinamumunuan ni Fred Ancheta, umabot sa pinakamataas na bilang ang entry (700) nitong nakaraang linggo ngunit dahil sa kahilingan mula sa mga swim club organisms at pagkatapos ng konsultasyon sa administrasyon ng lungsod ng Muntinlupa pinayagang ma-extend ang pagpapatala.
Kipkip ang modernong kagamitan alinsunod sa FINA world standard, ang Muntinlupa Aquatic Center ay inaasahang magiging sentro ng mga kompetisyon partikular mula sa mga club na nakabase sa Timog.
Ngayong pa lamang, sinabi ni Ancheta na inaasahang lalagdaan ang isang memorandum of agreement sa Office of the Mayor para gawing opisyal na tahanan ng SLP swimmers at mga kaakibat na club at organisasyon ang naturang Aquatic Center.
“We’re grateful with Mayor Ruffy Biazon for hosting this event. Sa kasabikan ng mga swimmers, coach, at mga magulang na maging bahagi nitong makasaysayang pagbubukas ng world-class swimming pool sa Muntinlupa, ang bilang ng mga kalahok ay umabot ng higit sa aming inaasahan,” ani Ancheta.
“Upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng kalahok at mapanatili ang integridad ng mga palaro, nagpasya ang SLP sa pakikipagtulungan ng Youth Affairs and Sports Development Office (YASDO) ng Muntinlupa na isara ang pagpaparehistro. Lagpas na kami sa target namin. Actually, history itong numbers na ito sa local swimming competition,” ani Ancheta.
“Sa sobrang tuwa ni Mayor Ruffy Biazon he will host another event. Sa mga nagnanais na makipagkompetensiya at makaramdam ng karanasan sa Muntinlupa Aquatic Center, maaari kayong sumali sa The Holiday Swim Cup sa 10 Disyembre 2022,” dagdag ni Ancheta.
Ang pagpaparehistro sa mega year-ender event na ito na pinalakas ng Central Northern Luzon CAR Swimming Coaches Association, Solid Coaches Association at ang Swim League Philippines ay bukas at simula na.
Inaanyayahan ang national junior record holder at National mainstay na sina Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh at Jamesrey Ajido para magbigay ng inspirational messages sa mga batang manlalangoy. (HATAW Sports)