IGINIIT ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang posibilidad na amyendahan ang Administrative Code para putulin ang nakaugaliang paglalaan ng confidential and intelligence funds (CIFs) sa civilian agencies.
Pabor si Hontiveros sa obserbasyon na nakasanayan ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagtanggap ng CIFs mula sa annual national budget.
Aniya, ito ay “legacy of martial law and dictatorship.”
“Kahit tingnan natin ang budget history, apparently, this practice of having confidential and intelligence funds kahit sa civilian agencies would date back to a particular Presidential Decree… So isa rin itong legasiya ng batas militar, ng diktatura at it is something now embedded, if I’m not mistaken in our Administrative Code,” ayon kay Hontiveros.
“So interesante at palagay kong importanteng pag-aralan natin, namin sa Senado or Kongreso, ang other budget reforms that we can introduce by way of legislation, ‘yung amendment sa Administrative Code man ‘yon or sa iba pa,” dagdag niya.
Para sa minority leader, hindi ito isang malusog na pag-uugali na kinamihasnan ng gobyerno sa mga nagdaang dekada.
Sinabi ni Hontiveros, mas malusog para sa mga CIF na muling ihanay sa mga programang tutukuyin sa General Appropriations Bill. (NIÑO ACLAN)