ARESTADO sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust ang isang barangay kagawad at kanyang kasabwat sa Brgy. Maracta, bayan ng Lumban, lalawigan ng Laguna nitong Miyerkoles ng madaling araw, 23 Nobyembre.
Sa ulat kay P/Col. Randy Glenn Silvio, Acting Provincial Director ng Laguna PPO ni P/Capt. Ed Richard Pacana, hepe ng Lumban MPS, kinilala ang mga suspek na sina Dhalyn Mercado, alyas Konsi, kagawad ng naturang barangay; at si Walter Yason, matapos silang magsabwatan sa pagbebenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang police poseur buyer kapalit ng P500 marked money.
Nakompiska mula sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na .20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P3,500; P1,000 buy-bust money; itim na pouch; P500 drug money; dalawang lighter; at dalawang aluminum foil strip na may hinihinalang shabu residue.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Lumban MPS custodial facility at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (BOY PALATINO)