ni Marlon Bernardino
MANILA — Tinalo ni International Master Angelo Abundo Young si FIDE Master Milan Kolesar ng Slovakia sa 7th round nitong Martes para makaakyat sa twenty one-way tie for 19th place sa 30th FIDE World Senior Individual Chess Championship (50+ and 65+ Open-men and women) na ginanap sa Hotel Cenacolo sa Assisi, Umbria, Italy.
Dahil sa natamong panalo, si Young, 59 anyos, ay may total 4.5 points, gaya ng naitala ng kababayang si Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr., sa 50 years old and above category ng 11-round, Swiss system tournament.
Nalasap ng 60-anyos na si Antonio ang ika-2 sunod na pagkatalo sa kamay ni tournament top seed Grandmaster Zurab Sturua ng Georgia.
Makatatapat ni Young si FIDE Master Nicola Paglietti ng Italy habang makakalaban ni Antonio si International Master Markus Loeffler ng Germany sa Wednesday’s 8th round.
Panalo si Grandmaster Ivan Morovic Fernandez ng Chile kontra kay Grandmaster Milos Pavlovic ng Serbia para makisalo sa 1st hanggang 3rd places kina Grandmaster Darcy Lima ng Brazil at Grandmaster Frank Holzke ng Germany, magkasunod ng tabla.
Magkasalo ang tatlo sa top spot na may tig 6.0 points each sa seven outings.
Si Sturua naman ay may total 5.5 points gaya nina Grandmaster Maxim Novik ng Lithuania, Grandmaster Dejan Antic ng Serbia at International Master Fabrizio Bellia ng Italy.
Samantala sa 65 years old and above category, diniskaril ni International Master elect at FIDE Master Jose Efren Bagamasbad si Olav Thoresen ng Norway tungo sa 4.0 points.
Makakatapat ng 66-anyos na si Bagamasbad si Julio Santos ng Portugal sa next round.
Lider pa rin si top pick si Grandmaster Dr. John Nunn ng England, may 6.5 points, half a point ahead kay solo second place Grandmaster Jens Kristiansen ng Denmark na may 6.0 points.
Sinipa ni Nunn si International Master Nathan Birnboim ng Israel habang nairehistro ni Kristiansen ang five straight wins kay FIDE Master Jaroslav Mojzis ng Czech Republic.
‘Namantsahan’ si Kristiansen ng nag-iisang pagkatalo kay Bagamasbad sa second round.