IMBES magdiwang ng kanyang bonggang kaarawan ay mas pinili ni Senadora Imee Marcos ang mamigay ng ayuda sa 9,000 indibidwal mula sa iba’t ibang lugar sa bansa sa loob ng tatlong araw.
Kabilang dito ang pamamahagi sa 1,000 indibidwal sa Davao City, Cagayan de Oro, at Tagoloan, Misamis Oriental at sa apat na bayan sa Cavite.
Kabilang sa ipinamahagi ni Marcos ang tulong pinansiyal sa kanyang pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSDW) at nutribun para sa mga bata.
Sa tulong pinansiyal ay tumanggap ang bawat indibidwal ng tig-P3,000 at bukod sa nutribun ay tumanggap din ng laruan at nagpakain ng arroz caldo ang super ate ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Sen. Imee, mas nais niyang damayan ang ating mga kababayan na lubhang naapektohan ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Paliwanag ni Marcos, ang pamamahagi ng nutribun sa mga bata ay hindi lamang upang buhayin ang programa ng kanyang namayapang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., kundi upang maibsan ang taggutom at malnutrisyon sa bansa.
Tiniyak ni Marcos na kanya nang itutuloy-tuloy ang gawaing ito nang sa ganoon ay matulungan ang adminitrasyon ng kanyang kapatid para sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Nauna rito, namahagi ng parehong tulong si Marcos sa Navotas at Malabon, kabilang ang mga libreng wheelchair. (NIÑO ACLAN)