HINAMON ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na harapin ang kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa pagpatay sa beteranong broadcast journalist na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid.
Apela ito ni Dela Rosa, makaraang sampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) si Bantag, kasama ang iba pa.
Magugunitang si Bantag ang pinuno ng BuCor noong maganap ang pagpatay kay Mabasa (Lapid).
Si Bantag at Deputy Security officer Ricardo Zulueta at ilan pang inmates sa Bilibid ay nahaharap sa kasong pagpatay laban sa broadcast journalist na si Lapid at ang sinabing middleman sa kaso na si Jun Villamor batay sa anunsiyo ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Ayon kay Dela Rosa, dating PNP chief, walang dapat ikatakot si Bantag kung wala siyang itinatago sa batas.
Sakaling makulong si Bantag, sinabi ni Dela Rosa, maaaring ibukod ang suspended BuCor chief mula sa ibang inmates tulad ng ginawa kay Sen. Leila De Lima na nakadetine sa PNP Custodial Center.
Nauna rito, nagbnata si Bantag na hindi siya papayag na makulong dahil tiyak mamamatay at kawawa lamang siya sa bilangguan. (NIÑO ACLAN)