NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa paglobo ng mga kaso ng sakit na cholera sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na umabot sa 3,729 mula noong Enero o may katumbas na 282 porsiyentong pagtaas kompara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Bunsod nito, hiniling ng senador ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado.
“Hindi bababa sa 33 katao ang namatay sa sakit na ito ngayong taon at karamihan ay mga batang nasa edad lima hanggang siyam na taong gulang. Higit sa pagtiyak sa mga dahilan, mas matimbang sa kasalukuyang sitwasyon ang pangangailangan na pagrepaso sa mga umiiral na patakaran upang maiwasan at mabawasan ang mabilis na pagkalat nito,” sabi ni Estrada sa paghahain ng Senate Resolution No. 266.
Binanggit ni Estrada ang ulat ng Global Task Force on Cholera Control (GTFCC) na nagsasabi na ang ganitong uri ng sakit na nakaaapekto sa pinakamahihirap at pinakamahinang sektor ng lipunan ay maiiwasan sa pamamagitan ng isang multi-sectoral approach. Ang paraang ito ay may kinalaman sa pagbibigay ng basic water, sanitation, at hygiene (WASH) services at oral cholera vaccines.
“Kailangang maprotektahan ang populasyon, lalo ang mga bata at mahihirap laban sa sakit na ito na kung tutuusin ay maaari namang maiwasan kung mayroong coordinated approach sa mga ahensiya ng gobyerno. Ang mga umiiral na patakaran at programa sa kalinisan at pagbabakuna ay dapat suriin upang mapahusay ang ating emergency response mechanisms at preventive measures laban sa pagkalat ng sakit at upang maisulong ang kulusugan ng publiko,” paliwanag niya.
Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), kompara sa bilang ng naitalang 976 kaso ng sakit noong Enero hanggang Oktubre noong nakaraang taon, nasa 3,729 ang bilang ng mga naitalang kaso sa parehong panahon ngayong taon. Karamihan sa mga naiulat na kaso ay mula sa Eastern Visayas, Davao Region at CARAGA.
Lumampas ang Central Luzon, Western Visayas at Eastern Visayas sa epidemic threshold levels para sa cholera batay sa mga kasong naitala nitong sampung buwan na nakalipas.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang cholera ay isang nakalalasong sakit mula sa pagkain o inumin na kontaminado ng bacterium vibrio cholerae at maaari itong magdulot ng matinding diarrhea sa mga bata at matatanda at maging sanhi ng pagkamatay kung hindi maaagapan ng kaukulang gamot. (NIÑO ACLAN)