NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa mga bilanggo, partikular sa persons deprived of Liberty (PDL) sa Taguig city jail at sa ibang mga kulungan na huwag tumulad sa nangyari sa New Bilibid Prison (NBP) na umano’y doon mismo nanggaling ang middleman o kontak ng nasa likod ng pagpaslang sa beteranong broadcast journalist na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid.
Ang panawagna ni Cayetano sa mga bilanggo ay kasunod ng kanyang pagdiriwang ng kaarawan at namahagi ng hygiene kits at hot meal sa mga PDL kasabay ang pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week.
Payo ni Cayetano sa mga PDL, kung mayroon silang nalalaman na maling aktibidad o gawain at mga impormasyon ay dapat nilang iulat o isumbong sa kinauukulan upang ito ay agad mapuksa.
Iginiit ni Cayetano, ang kanilang pagkakakulong ay bahagi ng proseso ng kanilang tuluyang pagbabago at magsisi sa paglabag na kanilang nagawa.
Nababahala si Cayetano lalo na’t ang mga Ampatuan ay nakakulong sa bilangguang sakop ng Taguig city jail at nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Umaasa si Cayetano, makakamit ni Mabasa (Lapid) ang katarungan at hindi siya mabibilang sa mga ‘unsolved cases.’
Nanawagan si Cayetano sa Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), at sa lahat na maging maingat sa pagbibigay ng mga detalye at impormasyon ukol sa kaso.
Binigyang-diin ni Cayetano, mas maiging tahimik at sa huli ay mayroong resultang makatutulong para matukoy ang nasa likod ng pagpaslang at maibigay ang hustisya kay Mabasa (Lapid).
Nangangamba si Cayetano na maaaring makaisip ng ibang hakbang ang mga taong nasa likod ng krimen kung hayagang maisisiwalat ang lahat sa publiko habang umuusad nag imbestigasyon. (NIÑO ACLAN)