MULING inihain ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang magtatag ng math at science high schools sa lahat ng probinsiya sa bansa, bagay na sumasang-ayon sa direktiba ng administrasyon na patatagin at bigyan ng prayoridad ang Science, Technology, Engineering, at Mathematics (STEM) sa basic education.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act, ang mga probinsiya na wala pang math at science high schools ay bibigyan ng mandatong makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) upang ipatayo ang mga kagayang paaralan.
Ang mga nasabing paaralan ay magpapatupad ng integrated junior – senior high school curriculum na tututok sa mga advanced na subject sa science, mathematics, at technology sa ilalim ng paggabay ng DepEd at ng Department of Science and Technology (DOST).
Kukuha ng kurso sa pure and applied sciences, mathematics, engineering, technology at iba pang larangang irerekomenda ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga nagtapos sa mga math and science high schools.
Matatandang batay sa resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), na halos walumpong (79) bansa ang nakilahok, ang mga mag-aaral ng bansa ang nakakuha ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Mathematics at Science.
Ang Filipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka sa Mathematics at Science sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS). Sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) noong 2019, 17% ng mga mag-aaral ng bansa sa Grade 5 ang may taglay na minimum standards pagdating sa Mathematics.
Binigyang diin ni Gatchalian, batay sa datos ng UNESCO Institute of Statistics, wala pang dalawang-daang (186) mananaliksik kada isang milyong katao ang mayroon sa bansa. Ang bilang na ito ang isa sa mga pinakamababa sa buong ASEAN.
Sa Thailand, halos isang libong (963) mananaliksik kada isang milyong katao, samantala mahigit dalawang libong (2,063) mananaliksik kada isang milyong katao sa Malaysia. Upang matupad ang layunin ng bansa na maging susunod na tiger economy ng Asya, iginiit ni Gatchalian na kinakailangang tugunan ang kakulangan sa strategic human capital investments na nakatutok sa mathematics at science.
“Ang specialized academic preparation ay nagbubukas ng mga oportunidad sa critical thinking, financial literacy, at evidence-based decision-making, mga bagay na mahalaga sa pagpapatatag ng ating ekonomiya, lalo na’t kailangan natin ang workforce na mahusay sa math at science,” ani Gatchalian.
“Sa mathematics at science nakasalalay ang pagsulong ng inobasyon sa ating bansa. Upang mahasa ang kaalaman ng mas marami nating mga kabataan pagdating sa agham at mathematics, isusulong natin na ang bawat probinsiya sa Filipinas ay magkaroon ng math and science high schools na pagmumulan ng ating mga mathematician, engineer, at mga scientist,” dagdag na pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education. (NIÑO ACLAN)