NASAKOTE ang may kabuuang 1,162 indibidwal sa buong rehiyon ng CALABARZON sa isinagawang One-Time Big Time (OTBT) Operations Against Illegal Gambling ng pulisya nitong Martes, 6 Setyemrbe.
Nagkasa ang mga police unit ng PRO-A PNP ng 496 operasyon sa magdamag, na ikinahuli ng mga indibidwal na sangkot sa tupada, paglalaro ng cara y cruz, pusoy, tong-its, Lucky 9, mahjong, video karera, bookies, at iba pang ilegal na sugal.
Nakompiska ang kabuuang P290,873 halaga ng bet money mula sa suspek na tinukoy bilang mga operator, financier, at mananaya.
Pinuri ni Acting Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang puwersa ng PRO4A para sa kanilang huwarang pagsisikap upang matiyak ang matagumpay na pagdakip sa mga namumuno at tumatangkilik sa mga naturang ilegal na aktibidad.
Aniya, “Hindi natin hahayaang lumaganap ang mga labag sa batas na ito upang maprotektahan ang ating mga mamamayan mula sa mga ilegal na gawaing ito, lalo ang ating mga anak ngayong bukas na ang harapang klase. Wala silang lugar sa rehiyong ito at papanagutin namin silang lahat sa batas.”
Nanatiling nangunguna ang PRO CALABARZON sa unit na may pinakamaraming bilang ng mga operasyon at pag-aresto sa buong PNP, na hinigitan ang 16 iba pang rehiyon sa sabay-sabay na anti-illegal gambling operations. (BOY PALATINO)