MABILIS nainaprobahan ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kompirmasyon at nominasyon nina Atty. George Erwin Garcia, bilang Chairman ng Commission on Elections (Comelec), at dating cabinet secretary, Atty. Karlo Alexei Nograles, bilang chairman ng Civil Service Commission (CSC).
Ginawa ang kompirmasyon sa rekomendasyon ng Committee on Constitutional Commission na pinamumunuan ni Senadora Cynthia Villar, matapos isalang sa kanyang komite .
Sina Garcia at Nograles ay nakatakdang manungkulan sa kani-kanilang komisyon hanggang 2 Pebrero 2029.
Bagamat may oppositor, hindi nagkaroon ng hadlang para sa kanilang kompirmasyon dahil mayorya ang sumang-ayon sa dalawa.
Walang miyembro ng komisyon ang gumamit ng Section 20 para pigilan ang kompirmasyon ng isa man sa dalawa.
Sina Garcia at Nograles ay kapwa nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit si Garcia ay hindi kinompirma ng komisyon noong 18th Congress bago matapos ang termino ni Duterte.
Ang kakokompirmang Comelec chairman ay nagsilbing election lawyer ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nang tumakbong bise presidente noong 2016 national elections. (NIÑO ACLAN)