PINAPAPASPASAN ni Senadora Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) ang paglalabas ng P9 bilyong subsidya ng gobyerno sa mga magsasakang kasado na para sa rice planting season ngayong Setyembre hanggang Oktubre.
Sa sumbong ng mga magsasaka sa opisina ni Marcos, inabot ng ilang buwan mula nang ianunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na may cash aid na P5,000 sa 1.6 milyong magsasaka, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap.
“Huwag nang i-time deposit ang pondo ng mga magsasaka at hindi naman ‘yan para tumubo ng interes sa banko. Paspasan na ang pagre-release niyan, ngayon din,” ani Marcos.
Katunayan, anomang oras, puwede nang ilabas ng Land Bank of the Philippines ang mga nasabing subsidiya pero ibinibitin ng umano’y problema ng DA sa ID system nito para sa mga magsasaka.
“Kung ‘di kaya ng DA na i-update ang RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture), dapat patulong na sila sa mga municipal agriculturist na mayroong listahan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka sa kanilang nasasakupan,” ayon sa Senadora na Chairman ng Senate Committee on Cooperatives.
Ang RSBSA ay listahan ng mga indibidwal na magsasakang kalipikado sa subsidiya sa abono at binhi, pero ayon kay Marcos ay hindi dapat ietsapuwera at sa halip ay ituloy ang suporta sa mga gumanda na ang kabuhayan at nagkanegosyo na ng mga produktong may ‘value-added’ sa kanilang pananim.
May koleksiyon ang gobyerno na P18.9 bilyon sa rice tariff o buwis sa pag-angkat ng bigas, at halos P9 dito ang puwedeng ipandagdag sa subsidiya sa mga magsasaka, bukod sa P10 bilyong itinakda sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Babala ni Marcos, liliit ang ani ng mga magsasaka at kakapusin tayo ng pagkain kapag patuloy na ibinitin ang subsidiya na ipambibili ng mga abono at iba pang farm inputs.
“Ang DA mismo ang gagawa ng mas malaking problema kapag binitin pa ang ayuda para sa mga magsasaka. Tatamlay ang ani kung hindi nila kayang bumili ng abono at iwanan na lang ang pagsasaka,” paliwanag ni Marcos.
Giit ng Senadora, makatitipid ang mga magsasakang nagbubungkal ng isang ektaryang palayan na nasa 25% hanggang 33% gastos sa abono, kapag ibinigay na ang P5,000 ayuda.
Anang Senadora, “Pumapatak kasi sa anim hanggang walong bag ng abonong nagagamit ng mga magsasaka kada ektarya at papalo sa P15,000 hanggang P20,000 ang gastusin sa abonong urea.”
Bitin ang supply ng abono gaya ng urea sa buong mundo at hilo na ang karamiha sa mga magsasaka sa pagtriple ng presyo mula P800 sa kada 50 kilo noong 2020, na sumirit sa P2,300 hanggang P2,500 ngayong taon. (NIÑO ACLAN)