ni NIÑO ACLAN
NAGKAROON ng rason siExecutive Secretary Victor Rodriguez para ‘makasibat’ sa hearing ng Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na ‘sugar fiasco,’ sa pamamagitan ng ‘pagsabit’ sa nakatakdang sunod-sunod na State Visit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Inamin ni Blue Ribbon Committee chairman, Senador Francis “Tol” Tolentino, sumulat sa komite si Rodriguez upang ipabatid na hindi siya makadadalong muli sa mga pagdinig ng senado sa susunod na linggo dahil sa nakatakdang State Visit ng Pangulo.
Noong unang pagdinig sa Senado ay dumalo si Rodriguez at siya ang unang pinagsalita ngunit pagkatapos ay agad nagpaalam dahil kailangan pa umanlong dumalo sa Cabinet meeting.
Sa ikalawang pagdinig ng senado, hindi na dumalo si Rodriguez, sa rason na may mga nakahanay na Cabinet meetings.
Sa huli, ayon kay Tolentino, idinahilan ni Rodriguez na malabo siyang makarating o makadalo sa mga susunod na pagdinig.
Aminado si Tolentino, siya man bilang chairman ng komite, ay mayroong katanungan kay Rodriguez.
Ngunit sa kasalukuyan ay uunawain umano niya ang dahilan dahil sa kanyang palagay na maaaring busy si Rodriguez sa paghahanda sa State Visit ng Pangulo.
Nauna nang hiniling ni Senadora Risa Hontiveros na muling ipatawag si Rodriguez sa pagdinig ng Senado.
Maging si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ay humiling na muling ipatawag si Rodriguez dahil bilang abogado, mayroon pa siyang mga katanungan.
Ani Pimentel, mayroon siyang napunang ‘inconsistencies’ sa pahayag ni Rodriguez sa kanyang pagdalo sa komite noong unang araw ng pagdinig.
Ngunit tiniyak ni Tolentino, ipatatawag nila si Rodriguez pagkatapos ng State Visit ng Pangulo.
Tumanggi si Tolentino na isapubliko ang sulat na ipinadala ni Rodriguez at ang buong nilalaman nito, kahit ito’y maituturing na public records.