NAGKAISA ang mayorya at minorya sa Senado sa pagsuporta sa resolusyon ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla upang tiyaking puspusan ang proseso para makuha ng mga biktima ng Marawi Siege noong 2017 ang kaukulang kompensasyon ng gobyerno.
Ani Padilla, nakuha niya ang suporta ni Sen. Risa Hontiveros para sa Senate Resolution No. 8, kung saan hinimok niya ang Office of the Executive Secretary, na suriin ang magiging miyembro ng Marawi Compensation Board para sa konsiderasyon ng Pangulo.
“Humingi tayo ng tulong kay Sen. Hontiveros. At siya, ini-endorse niya. Bakit si Ma’am Risa? Kasi siya ang nasa minority. Wala pong pinakamaganda kundi majority at minority ay nagkakasundo,” ani Padilla sa panayam sa NET-25 na inere nitong Miyerkoles ng gabi.
Dagdag ni Padilla, kinakausap din niya ang mga kapwa niyang senador, mayorya man o minorya, o kahit independent, para suportahan ang mga panukalang batas na ihinain niya.
Noong 15 Agosto, nakuha na ng Resolusyon ni Padilla ang suporta ng mayorya nang tiyakin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na prayoridad ito ng Senado.
Sa paghahain ni Padilla ng Senate Resolution No. 8, ipinunto niyang maraming inosente ang nasawi at nawalan ng tahanan at mga kagamitan nang umatake ang mga terorista sa Marawi noong 2017.
Noong Abril, ipinasa ang RA 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022, at may bubuuing Marawi Compensation Board (MCB) na magpapatupad at magbibigay ng compensation sa mga biktima.
“Since the passage of RA 11696 on 13 April 2022, victims of the Marawi Siege have been clamoring for the organization of the MCB… so it can forthwith perform its functions, organize, and promulgate the implementing rules and regulations,” aniya. (NIÑO ACLAN)