PABOR si Senador Win Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na bawasan ang mga asignatura sa kolehiyo at ilagay sa K-12 upang mabawasan ang taong gugugulin sa kolehiyo.
Sa pagdalo ni Gatchalian sa Kapihan sa Manila Hotel sa kooperasyon ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas, tinukoy niyang halos paulit-ulit ang ibang asignatura na nasa kolehiyo at nasa K-12.
Tumanggi si Gatchalian tukuyin kung ano ang mga asignatura sa kolehiyo na nais niyang tanggalin at ilipat sa K-12.
Aniya, ang dapat pagtuunan ng panahon, halimbawa sa Araling Panlipunan at MAPEH ay maraming oras na ilaan sa pagbabasa.
Bukod dito, sinabi ni Gatchalian, dagdag gastos at pahirap para sa isang magulang ang pagkakaroon ng dagdag na taon sa pag-aaral ng mga anak.
Ipinunto ni Gatchalian, imbes nagtatrabaho sa edad na 21 anyos ay aabot pa hanggang edad 23 o 24 anyos bago makatapos ng pag-aaral at saka pa lamang makapagtatrabaho sa ilalim ng ipinatutupad na K-12 program ng Department of Education (DepEd).
Dahil dito, nais ni Gatchalian na muling pag-aralan ang nilalaman ng K-12 at maging ang curriculum sa kolehiyo upang ito ay maisaayos nang mabuti.
Iginiit ni Gatchalian, mahalagang mas maraming oras ng pag-aaral ang ilaan sa pagbabasa, pagbibilang, at pagtataguyod ng mga gawaing magpapahusay sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) ng isang kabataan o mag-aaral.
Ani Gatchalian, mula sa unang grado hanggang ikatlong grado ng bata dapat ay marunong nang magbasa at magbilang.
Napuna ni Gatchalian na marami sa mga mag-aaral sa kasalukuyan ay hindi pa rin ganap na magaling sa pagbabasa o pagkukuwenta (magbilang).
Iminungkahi rin ni Gatchalian na dapat ay maging ‘automated’ ang lahat sa pamahalaan upang mabawasan ang oras na inilalaan ng mga guro sa paggawa ng lesson plan at mga ulat na ipinagagawa ng DepEd.
Samantala, tinukoy ni Gatchalian, dahil sa pandemya kaya nagsara ang 800 private schools sa bansa. (NIÑO ACLAN)