Friday , November 22 2024

ES Rodriguez ‘hugas kamay’ sa Sugar Fiasco

082422 Hataw Frontpage

ni Niño Aclan

MARIING pinabulaanan ni Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez na mayroon siyang papel na ginampanan sa paglabas ng SO 4.

Ayon kay Rodriguez, ang tanging papel niya ay nagsumite si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ng sugar importation plan mula sa SRA at sa DA, bagay na hindi nangyari.

Bagkus, sinabi ni Rodriguez, nagulat siya na mayroong lumabas na kautusan si FM Jr., nang wala siyang kabatiran.

Aminado si Rodriguez, ilang beses siyang nagkaroon ng pagpupulong kina dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Heminigildo Serafica at dating Department of Agriculture (DA) chief of staff Leocadio Sebastian ngunit ang tanging hinihingi niya ay importation plan at hindi ang maglabas ng kautusan.

Ibinunyag ni Rodriguez, dalawang beses siyang tinext ni Sebastian ukol sa sugar importation ngunit hindi siya sumagot dahil wala pang sagot ang Pangulo.

Nanindigan si Rodriguez, handa siyang sagutin ang kahit anong tanong ukol sa naturang isyu sa susunod na pagdinig sakaling ipatawag siya ng senado at available ang kanyang schedule.

Agad nagpaalam si Rodriguez sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee matapos ang kanyang pagsasalita dahil kailangan umano niyang dumalo sa cabinet meetings.


Sa ‘sugar fiasco’
SENADO BIGONG MAPIGA
SI EX-DA COS SEBASTIAN

BIGONG ‘mapiga’ ng mga senador si dating Department of Agriculture chief of staff Leocadio Sebastian kung sino ang nasa likod o nagtulak sa kanya para lagdaan ang Sugar Order (SO) No. 4 sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay Sebastian, ang paglagda niya ay ‘in good faith’ sa pag-aakala niyang may kakulangan ng supply sa asukal sa mga susunod na buwan kaya’t mayroong dahilan para sa importasyoon.

Bukod dito sinabi ni Sebastian, lumagda rin siya sa ngalan ng Pangulo dahil sa pag-aakalang mayroon siyang kapangyarihan at karapatan sa ilalim ng 15 July 2022 Memorandum na ipinalabas at nilagdaan ni Executive Secretary Victor Rodriguez na sinabing awtorisado ng Pangulo.

Sa naturang memo, binibigyan ng kapangyarihan si Sebastian na lumagda sa mga kontrata, memorandum of agreement, administrative issuances, adminitrastive at financial documents.

Ito umano ang basehan ni Sebastian kung kaya’t nagkaroon siya ng dahilan para lumagda sa SO 4 dahil kung hindi ay maaari siyang ma-reprimand.

Hindi kombinsido sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senador Raffy Tulfo, Senador Renato “Bato” dela Rosa, at Jinggoy Estrada na walang nasa likod o nagtulak kay Sebastian para lagadaan ang naturang kautusan.

Naniniwala ang mga Senador na hindi basta-bastang lalagdaan ni Sebastian ang SO 4 kung walang nag-utos sa kanya lalo na’t baguhan siya sa sugar industry. (NIÑO ACLAN)


Ex-SRA ADMIN
SERAFICA ‘UTAK’
NG SO NO. 4

INAMIN ni dating Sugar Regulatory Administration  (SRA) Administrator Heminigildo Serafica na siya at ang kanyang technical team ang gumawa ng draft ng SO 4.

Ayon kay Serafica bago gawin ng kanyang team ang naturang order ay mayroon silang pinagbasehan at nakakuha sila ng mga rekomendasyon mula sa stakeholders.

Ibinunyag ni Serafica, hindi na rin niya ikinonsulta sa ibang departamento ang ukol dito dahil mayroon silang pinagbasehang mga datos at impormasyon.

Tinukoy ni Serafica, nagpadala rin sila ng kopya ng draft kay Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez.

Si Serafica rin ang unang lumagda sa unang board resolution na kalaunan ay inaprobahan at pinirmahan ng iba pang mga miyembro ng board. (NIÑO ACLAN)


ZUBIRI HINDI
KOMBINSIDONG
MAY KAKULANGAN
SA ASUKAL

HINDI kombinsido si Senate President Juan Miguel Zubiri na mayroong kakapusan ng asukal sa bansa.

Ito ay matapos ipakita ng kasalukuyang presidente ng senado sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga video o larawan ng mga ininspeksiyong warehouse at mga truck na naglalaman ng mga asukal.

Ayon kay Zubiri, ito ang patunay na mayroong suplay ng asukal ngunit hindi lamang mabatid kung bakit hindi ito napupunta sa dapat puntahan.

Dahil dito, lalong nagduda si Zubiri sa tunay na motibo at layunin ng SO 4 na itinuturing na isang ‘sugar fiasco.’

Bukod dito hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa komite ang pagpapatawag sa Bureau of Customs (BoC) upang ipaliwanag kung paanong nakalusot sa kanila ang ganitong mga uri ng kontrabando.

Ipinagtataka ni Tulfo, sa kabila ng hoarding at mga smuggling ay wala ni isa mang nasampahan ng kaso at napakulong na ang ahensiya. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

arrest, posas, fingerprints

Sa Bataan
P1.7-M DROGA NASAMSAM, 2 TULAK TIKLO

DALAWANG suspek na itinuturing na high value individuals ang nasakote sa magkahiwalay na buybust operations …