TULOY NA TULOY ang imbestigasyon ng senado sa darating na Martes, ukol sa sugar fiasco sa kabila na mayroon nang iniuutos na imbestigasyon si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Tiniyak ito ni Senador Francis Tolentino , Chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee.
Binigyang-linaw ni Tolentino, ang imbestigasyon ng senado ay nakatuon upang makagawa ng isang panukalang batas para hindi na maulit ang kahit anong uri ng anomalyang mapapatunayan.
Kasunod nito, sinabi ni Tolentino, marami silang mga inimbitahan o pinatawag na resource persons sa naturang pagdinig.
Ibinunyag ni Tolentino, kanya rin ipinatawag ang mga taong nagbitiw sa kanilang mga puwesto na nasangkot sa sugar fiasco.
Iginiit ni Tolentino, hindi ligtas sa pananagutan ang mga nagbitiw na opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ukol sa usapin ng sugar fiasco lalo kung mapapatunayan kung sila ay mayroong pananagutan at sangkot sa anomaly.
Paliwanag ni Tolentino, handa rin silang tumanggap ng mga testigo na ihaharap sa komite subalit kailangan manumpa muna bago magsalita sa pagdinig.
Siniguro ni Tolentino, magiging patas ang kanilang isasagawang pagdinig sa lahat ng mga iimbitahang resources person.
Hindi matiyak ni Tolentino kung hanggang ilang komite hearings ang kanilang isasagawa dahil ito ay magiging base sa lahat ng sasabihin ng mga testigo at mga senador na magtatanong sa resource persons. (NIÑO ACLAN)