DAPAT kilatising maigi ang kasunduan nina Enrique Razon at Dennis Uy hinggil sa pagbebenta ng shares sa Malampaya gas field project.
Ito ang mariing sinabi ni Senador Win Gatchalian dahil kailangan aniyang pumabor sa mga konsumer at sa gobyerno, at masiguro ang sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.
Kamakailan ay lumagda ng kasunduan na bibilhin ni Razon ang shares of stock ni Uy sa Malampaya.
“Hindi pa natin alam ang detalye ng kasunduan. Kaya naman higit na kailangan nating pangalagaan ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na’t ang Malampaya ang kaisa-isang gas field sa bansa,” sabi ni Gatchalian na nakatakdang maghain ng resolusyon sa
Senado kasunod ng naging kasunduan.
Ipinaalala ni Gatchalian sa kampo nina Razon at Uy na lahat ng kasunduan ay kailangang dumaan muna sa Department of Energy (DOE) sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No. 87 at Department Circular (DC) 2007-04-0003 bago maisapinal.
Layon ng PD 87, o ang Oil Exploration and Development Act of 1972, na maglatag ng mga regulasyon para sa exploration activities upang makadiskubre ng mga bagong mapagkukunan ng produktong petrolyo. Ang Service Contract (SC) 38 naman o ang mismong Malampaya project ay ipinatupad sa ilalim ng naturang batas.
Ayon kay Gatchalian, ang nabanggit na department circular ay nagsasaad ng mga panuntunan at pamamaraan upang masiguro na ang assignee o transferee ay may sapat na legal qualification, financial resources, technical expertise, at sapat na karanasan upang maisakatuparan ang mga obligasyon sa ilalim ng petroleum service contract.
“Muling pinatotohanan ng kasunduang Razon at Uy ang matagal nang pinangangambahang walang pinansiyal na kapasidad si Uy na magpatakbo ng Malampaya,” ani Gatchalian.
“Noong nakaraang taon, nakatakda sanang bilhin ng kompanya ni Uy na Malampaya Energy XP Pte. Ltd. (Malampaya Holdings), subsidiary ng MEXP Holdings Pte. Ltd. (MEXP Holdings) ang 45% stake ng Shell Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya.
Pero hindi ito natuloy dahil hindi pinayagan ng Philippine National Oil Company (PNOC EC). Ang PNOC EC ay may 10% stake sa Malampaya.
“Kailangan maging maingat tayo at manatiling nakabantay sa ganitong mga uri ng transaksiyon dahil nakasalalay dito ang seguridad ng enerhiya ng buong bansa. Ang Malampaya ay nagsusuplay ng 30 porsiyentong pangangailangan ng koryente sa Luzon o bente porsiyento sa buong Filipinas,” ani Gatchalian. (NIÑO ACLAN)