AMINADO si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, hindi pa handa ang Filpinas para sa tinatawag na same sex union na walang ipinagkaiba sa unang panukalang same sex marriage.
Ayon kay Pimentel, hindi lingid sa kabatiran ng lahat na sa usaping ito ay papasok na ang usapin ng relihiyon at ng ating kasalukuyang batas kaya lubhang mahirap pag-usapan o pagtalunan.
Bukod dito, sinabi ni Pimentel, may mas higit pang dapat iprayoridad ang kongreso katulad ng pagtugon sa inflation, pagtugon sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pa.
Binigyang-linaw ni Pimentel, hindi masamang simulan ito ngunit dapat tanggapin ng lahat na hindi ito ang dapat na maging prayoridad.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Robinhood “Robin” Padilla, siya ang pangunahing nagsulong ng resolusyon sa senado na bukas siya sa anumang deliberasyon, pag-usapan at pagdebatehan.
Ani Padilla, handa niyang pakinggan ang bawat panig kabilang ang mga tumtutol at susmusuporta sa kanyang panukala.
Tiniyak ni Padilla, kanyang pakinggan ang lahat ng mga saloobin ng bawat panig sa kanyang panukalang batas.
Inaasahan ni Padilla, hindi madali ang talakayan ukol sa naturang isyu at naniniwala siyang bahagi ng tamang proseso ng isang demokrasya ang pakinggan ang bawat isa tutol man o hindi sa isang panukala. (NIÑO ACLAN)