SUPORTADO ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga pamahalaang lokal (LGUs) na makipag-ugnayan sa pribadong sektor sa pagpapatupad ng development projects sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Angara, chairman ng finance committee ng Senado, napapanahon ang public-private partnerships (PPPs) lalo sa panahong ito na nananatiling mabagal ang pagbangon ng ekonomiya sa hagupit ng pandemya.
“Napakahalagang ipagpatuloy natin ang mga development infrastructure projects lalo sa mga panahong ito dahil ang mga proyektong ito ang natatanging paraan para muli tayong makalikha ng mga trabaho na muling magpapasigla ng ekonomiya,” ani Angara.
Halimbawa aniya sa mga kapaki-pakinabang na public-private projects ang lease agreement sa pagitan ng SM Prime Holdings Inc., at ng Iloilo City government sa pangunguna ni Mayor Jerry Trenas. Layunin ng proyekto ang paglilinang sa central and terminal markets sa lungsod.
Nilalaman ng kasunduan sa pagitan ng Iloilo City at ng SM Prime Holdings, Inc., ang isang 25-year lease agreement na nakatutok sa pagpapaunlad ng dalawang pamilihan sa lungsod. Sa naturang proyekto, tinatayang 2,800 market vendors ang maaaring makinabang.
Upang masigurong mapabibilis ang proyekto, naglaan ang SM Prime Holdings, Inc., ng halagang P3 bilyon, naging daan upang hindi na gumastos para rito ang pamahalaang lungsod ng Iloilo. Malinaw din sa kasunduan na mananatili ang city government sa pamamagitan ng Local Economic Enterprise Office na mamamahala sa naturang mga pamilihan.
“Layunin ng PPP na mabalanse ang kapakanan ng publiko at ang fiscal responsibility at siguruhing hindi mababaon sa utang ang mga nakikinabang dito. Malaking tulong din ito para mapalakas ang kita ng isang pamahalaang lokal,” ayon kay Angara.
Aniya, kung daraan sa maayos na transaksiyon ang PPP, makikinabang nang husto sa proyekto ang pribadong sektor at ang local government na nagkasundo sa proyekto.
Matatandaang nakipagpulong kamakailan si Pangulong Marcos sa League of Cities of the Philippines para hikayatin ang LGUs na maging bukas sa PPPs para sa kanilang mga proyekto.
Sinabi kamakailan ng Pangulo, bukod sa mga impraestruktura, maaari rin isailalim sa PPPs ang digitalization projects.
“Panahon na para mapalawak natin ang ating traditional sources sa pamamagitan ng pambansang budget at ng local revenues. At ang isang paraan na nakikita natin para maisakatuparan ito ay ang PPPs. Sa pamamagitang ng PPPs, masisigurong ang mga nakahanay na proyekto ay maisasakatuparan kahit pa nakararanas tayo ng suliranin sa public financing,” susog ni Angara. (NIÑO ACLAN)