TAHASANG sinabi ni Senador Renato “Bato” dela Rosa na tanging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang target ng pagbuhay muli ng isinampang kaso sa International Criminal Court (ICC) ukol sa paglabag sa karapatang pantao alinsunod sa kampanya ng dating administrasyon laban sa ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Dela Rosa, kung talagang mayroong naganap na paglabag sa karapatang pantao o pang-abuso, dapat dito isinampa ang reklamo para litisin sa ating mga korte.
Naniniwala si Dela Rosa, gumagalaw at patuloy na tumatakbo ang justice system sa bansa bagama’t mayroong kabagalan o katagalan.
Hindi lahat ng naganap sa kampanya ukol sa ilegal na droga ay mayroong paglabag sa kaparatang pantao, ani Dela Rosa.
Aniya, paano ang mga pulis na nagbuwis ng kanilang buhay sa operasyon at tama ang proseso ng kanilang operasyong ginawa?
Hindi aniya maaaring pakialaman ang batas panloob ng isang bansa ng mga dayuhan at lalong hindi dapat imbestigahan ang isang Filipino ng ibang dayuhan lalo kapag naganap ang sinasabing krimen o akusasyon sa loob mismo ng bansa o teritoryo ng Filipinas.
Dahil dito hinamon ni Dela Rosa ang lahat na magsama-sama ng kaso para isang sampahan. Sa ating korte, sinabing dapat ihain upang dito litisin at maigawad ang tamang hustisya o desisyong nararapat.
Tinukoy ni Dela Rosa, kilalang kilala siya ng mga tao at grupong nasa likod ng naturang kaso o usapin, mga taong nais ipakulong at sirain ang pangalan ng dating Pangulo.
Aminado si Dela Rosa, noong siya ang pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Duterte administration ay walang direktang utos sa kanila na pumatay ng mga taong sangkot sa droga ang Pangulo.
Bagkus ay ipinagtanggol ng pulisya ang kanilang sarili kung nasa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay laban sa kanilang hinuhuli. (NIÑO ACLAN)