PORMAL ng uupo ngayong araw, 25 Hulyo, si Senador Juan Miguel Zubiri, bilang ika-24 Presidente ng Senado kasabay ng pagbubukas ng 19th Congress sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Si Zubiri ay iluluklok ng super majority sa Senado kasunod ang paghalal ng bagong Senate President Pro-Tempore sa katauhan ni Senadora Loren Legarda, gayondin ang Senate Majority Floor Leader — Senador Joel Villanueva.
Ang naturang komposisyon, ang mismong napagkasunduan ng mga miyembro ng super majority matapos ang ilang mga pagpupulong bago magbukas ang 19th Congress.
Bukod dito, ihahalal ng mga senador ang magiging bagong Senate Secretary at pinuno ng Senate Sargent at Arms (OSSA).
Sa mga susunod na sesyon ay isa-isang itatalaga ang mamumuno sa bawat komite gayondin ang magiging miyembro nito at ang komposisyon ng mga miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA), ang mga oversight committee, ang kakatawan sa senado sa Senate Electoral Tribunal (SET), at Presidential Electoral Tribunal (PET).
Tanging sina Senador Koko Pimentel at Senadora Risa Hontiveros ang tiyak na bahagi ng minorya dahil ang magkapatid na sina Senador Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano ay hindi pa tiyak kung saan aalyado.
Ngunit naunang inihayag ng magkapatid na Cayetano, iisa ang pupuntahan nilang grupo ngunit hindi isang mayorya.
Kung hindi sila magkakasundo nina Pimentel at Hontiveros, mananatili silang independent minority. (NIÑO ACLAN)