NAGKAISA ang iba’t ibang samahan ng mga magsasaka na manawagang magdeklara ng state of emergency on food crisis si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kaugnay ng kakulangan sa pagkain at pagtaas ng mga pangunahing bilihin gaya ng manok, itlog, baboy, at pandesal.
Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Representative Nicanor Briones, malaki ang magagawa ni Pangulong FM Jr., bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) para doblehin ang budget ng departamento upang buhayin ang mga nagsarang mag-aalaga ng baboy at manok, at tulungan ang mga magsasakang tinamaan ng pesteng African Swine Fever (ASF) at Avian flu sa pamamagitan ng pagbabayad ng P10,000 bawat isang mamamatay na baboy, at magagawa ito nang mabilisan kung may state of emergency.
Tinukoy ni Briones, malaki na ang nalulugi sa mga magmamanok at mag-iitlog dahil sa pagtaas ng ini-import na pagkain ng mga alagang manok at baboy, dahilan para magsara ang ibang negosyante.
Aminado si Briones na lubhang nakababahala ang kakulangan ng supply ng manok sa mga kilalang food chain tulad sa Jollibee at McDonald dahil walang supply mula lokal producers sa kakapusan ng mga kinakatay na bansot na manok dulot ng alternatibong pagkain.
Sa ngayon, bagama’t tumaas ang presyo ng manok sa merkado dahil sa presyo ng produktong petrolyo, mayroon pa umanong sapat na supply ng imported na manok, pawang nasa cold storage.
Tatlong pangunahing kahilingan ng AGAP Partylist kay Pangulong FM Jr., ang mabilisang karagdagang pondo, paglalagay ng first boarder Inspection at pagtatayo ng cold storage facilities. (NIÑO ACLAN)