UMABANTE ang Gilas Pilipinas, New Zealand, at India sa 2nd round ng FIBA World Cup qualifiers.
Nung linggo ay nakaresbak ng panalo ang Gilas laban sa India 79-63 sa pagpapatuloy ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa SM Mall of Asia Arena.
Pinangunahan ni Dwight Ramos ang atake ng Team Philippines nang tumikada siya ng 21 puntos, limang rebounds, apat na steals, at dalawang assists.
Ang magandang inilaro Ramos ang nagpaalagwa sa kalamangan ng Gilas 21-10 sa unang quarter. Tumaas pa ang abante ng Team Philippines sa 24 puntos (48-24) sa kaagahan ng 3rd quarter.
Tumapos ang Gilas sa first round ng qualifers para sa FIBA World Cup na may kartang 2-2. Ang dalawang talo ay ipinalasap sa kanila ng New Zealand.
Ang Philippines, New Zealand, at India ay aabante sa 2nd round at mapapahalo sa top three finishers mula sa Group C na kinabibilangan ng Lebanon, Saudi Arabia, at Jordan.
Nag-ambag para sa Gilas si Kiefer Ravena ng 12 puntos, four assists, at dalawang rebounds plus dalawang steals. Si William Navaro ay may 11 puntos at apat na rebounds, samantalang si Carl Tamayo na galing lang sa injury ay kumana ng siyam na puntos, siyam na rebounds, at tatlong steals.
Hindi kuntento ang coaching staff ng Team Philippines sa naging panalo sa India dahil nagkaroon ng 15 turnovers ang Pilipinas at kumana lang ng anim na puntos sa 28 attempts mula sa tres.