ITO ang reaksiyon ni Senadora Imee Marcos matapos i-veto ng ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang House Bill 7575 o ang panukalang batas na may kaugnayan sa pagtatayo ng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Authority.
Naniniwala ang panganay na Marcos, mayroong nagmarunong o naggaling-galingan sa Palasyo sa veto ng pangulo.
Batid ng lahat na si Senator Imee ay kapatid na panganay ng kasalukuyang presidente.
Ipinagtataka ng senadora, sponsor ng naturang panukalang batas, kung bakit nai-veto ang panukala, gayong ito ay dumaan sa debate, sumailalim sa konsultasyon sa mga stakeholders, at ang mga importanteng probisyon ay nakapaloob.
Aminado ang senadora, walang perpektong panukalang batas, pero imbes i-veto sana umano ay nagmungkahi kung ano ang gagawing pagtutuwid o pag-amyenda.
Binigyng-linaw ni Senator Imee, bukas sila sa pagtatama kaya naniniwala siyang hindi kailangang i-veto ang panukala dahil sarado na ang 18th Congress.
Iginiit ng nakatatandang Marcos, hindi maaaring walang audit na magaganap dahil kada pera ng bayan ang pinag-uusapan ay laging ‘subject for audit’ ng Commission on Audit (COA).
Nalulungkot si Marcos dahil lilikha ng maraming trabaho ang naturang programa kung matutuloy.
Aniya, kailangang suportahan ang mga negosyanteng namumuhunan at sumusugal sa kabila ng sitwasyon ng ating bansa. (NIÑO ACLAN)