HUMIRIT ang Megakraken Swim Team ng kabuuang 591.5 puntos para masungkit ang overall team championship sa Visayas leg ng FINIS 2022 Short Course Swim Competition Series kamakailan sa University of Saint La Salle (USLS) swimming pool sa Bacolod City.
Pumangalawa ang Iloilo Tiger Shark Swim Team (395 points) at nakuha ng La Herencia Swim Club ang ikatlong puwesto (387.5 points) sa dalawang araw na event kung saan umakit ng 280 swimmers kabilang ang up-and-coming junior tankers at FINIS brand ambassadors na sina Alexi Kouzenye Cabayaran ng Santa Fe Crocs Swimming Team sa girls’ 15-16 age group at Kyla Soguilon ng Aklan Swimming Club sa girls’ 16-17 class.
“It was successful in a way, as per interviews with the parents and coaches, they considered it a well-organized event, with lots of swag for the swimmers and coaches never seen in other tournaments,” pahayag ni FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia.
“The environment was festive, but with serious competitiveness, a far cry from the negativity of the lockdowns. The people were shouting non-stop, especially on the relays,” aniya.
Iginiit ni Garcia, isang beteranong triathlete, na bukod sa pag-oorganisa ng torneo na kanilang inilunsad noong Abril sa ginanap na Manila leg sa Clark, tinutulungan nilang palakasin ang swimming grassroots program ng bansa at naglalayon na itaas ang antas ng kompetisyon sa mga tuntunin ng masayang kapaligiran at mga makabagong proseso.
Binigyang-diin niya na ipinakilala ng FINIS Philippines ang online registration sa pamamagitan ng RaceYaya sa komunidad at nasa mga gawain ng pagtatatag ng database para sa FINIS events record-holders at gold medalists para sa bawat (Luzon, Visayas, at Mindanao) leg bago magsimula ang Mindanao leg taglay ang meet records habang lahat sila ay nakikipagkumpitensya sa isa’t isa sa Finals.
“That would be a guide for the fast swimmers of Mindanao to see who’s the fastest in Luzon and the Visayas, and they want to make sure they can beat those times,”pahayag ni Garcia.
Bukod sa paghakot ng FINIS-designed crafty medals, ang nangungunang 16 finishers sa Luzon, Visayas, at Mindanao leg (pansamantalang nakatakda sa Hulyo 30-31) ay makakakuha ng mga slot sa National Finals, pansamantalang naka-iskedyul sa Setyembre ng taong ito sa New Clark City sa Tarlac.
Sinabi ni Garcia na bukod sa pag-aayos ng mga torneo, ang FINIS Philippines ay magsasagawa rin ng Open Water Swim Camp sa Hulyo 9-10 sa Paya Papagayo Beach Inn sa Olongapo City. Ito ay isang komprehensibong swim camp na pangangasiwaan ng American Swimming Coaches Association (ASCA)-certified coaches kabilang sina Garcia, Frank Lacson, Maritess Escobar, at Patrick Joson.
Nakikipagtambalan din ang FINIS sa 83rd Central Northern Luzon – CAR Swimming Coaches (CNLCSCA) Invitational Swim Series, gayundin sa 5150 Triathlons series sa Panglao Island sa Hulyo 10, sa Tagum City, Davao (September 4), at Subic Bay (October 23).