MANILA, Philippines—Nananatiling walang talo ang Gilas Pilipinas Women nang paluhurin nila ang Syria 92-86 sa pagpapatuloy ng 2022 FIBA Under-16 Women’s Asian Championship Division B nung Sabado sa Prince Hamza Hall sa Amman, Jordan.
Pinanungahan ni Yumul ang atake ng kababaihang Gilas nang tumikada ito ng 33 puntos, na may shooting na 9-of-14 sa tres, para ilista ng mga batang manlalaro ang ikalawang panalo sa Group A. Una nilang tinibag ang Indonesia 104-68 nung Biyernes.
Lumobo ang kalamangan ng Gilas sa nalalabing limang minuto 82-71. Pero nagpakawala ng paghahabol ang Syria para itabla ang iskor sa 82 sa nalalabing 2:34.
Pero naging steady ang opensa ng Team Philippines na hindi nataranta at winasak ni Gabby Ramos ang remate ng Syria nang pumukol siya ng triple para tumaas muli ang kalamangan sa apat, 88-44 sa nalalabing isang minuto.
Sinelyuhan ni Kaila Jade Oani ang kalamangan ng Gilas sa isang kumpletong steal at sinundan iyon ng jump shot ni Ramos para tumaas pa ang kalamangan, 90-84.
Si Ramos ay may 21 puntos, 14 rebounds, four steals at two block shots. Nag-ambag si Natalie Panganiban ng 13 puntos, 8 assists, 6 rebounds.
PHILIPPINES 92 — Yumul 33, Ramos 21, Panganiban 13, Medina 7, Oani 7, Nolasco 6, Patricio 2, Fajardo 2, Lopez 1, Elson 0, Nair 0, Villarin 0.
SYRIA 86 — Backour 28, Alahmar 20, Almohammad 13, Khreim 6, Kurdi 5, Kanaan 4, Doubal 4, Jamsakian 2, Agha 2, Mardou 2, Aldada 2.
Quarters: 26-19, 47-31, 73-63, 92-86.