NASORPRESA ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa nakawang nangyari sa mga pampublikong palikuran sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), pitong flush valves ang nawala nitong buwan ng Abril at Hunyo, sa taong ito.
Ayon sa MIAA media affairs, limang flush valves ang nai-report na nawawala noong 4 Abril 2022 sa NAIA Terminal 2 public toilets.
Nadiskubre rin na dalawang flush valves ang ninakaw nitong 15 Hunyo 2022 sa palikuran ng NAIA Terminal 1.
Naging palaisipan sa airport authorities ang pagdekwat sa mamahaling uri ng flushers.
Napag-alaman mula sa media affairs na ang missing parts ng palikuran ay nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa kung brand new, at alam ng magnanakaw ang totoong halaga o value ng kagamitan na maaaring maibenta sa junk shop ng kalahati sa orihinal na presyo.
Inatasan ni MIAA General Manager Ed Monreal ang Airport Police Department (APD) na magsagawa ng imbestigasyon para matukoy ang mga suspek at masampahan ng kaukulang kaso.
Dahil sa insidente, may inilabas na implementasyon ang sanitation ng NAIA na mahigpit na pinagbabawalan ang building attendants na naka-assign sa bawat palikuran ng NAIA na magsabay-sabay sa meal break upang hindi masalisihan ng mga kawatan.
Batay sa APD source, hindi ito ang kauna-unahang pangyayari na may nawalang US-made flush valves sa mga palikuran ng NAIA terminals.
May mga report na nangyaring nakawan ng toilet flushers noong nakaraang taon dahil marahil sa halaga nito. (RR)