ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang mas aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Tinukoy ni Gatchalian ang ilang mahahalagang papel na ginampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya.
Ayon sa senador, mas agarang natutugunan ng mga lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral sa kanilang nasasakupan dahil mas malapit sila rito.
Mananatili si Gatchalian bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa 19th Congress.
Aniya, mapapakilos ng susunod na Secretary of Education na si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ang mga lokal na pamahalaan upang mas maging aktibo sa usapin ng edukasyon.
Sa natanggap ng Vice President-elect na mahigit 61 porsiyento boto ng taongbayan, mayroon siyang political capital upang maipatupad ang mga kinakailangang repormang tutugon sa krisis sa sektor ng edukasyon, ani Gatchalian.
“Nakita natin nitong panahon ng pandemya kung gaano kahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, lalo na’t mas nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga guro sa kanilang mga nasasakupan. Sa pagpasok ng bagong administrasyon, kailangang palawigin ang papel ng lokal na pamahalaan at gawin silang katuwang sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Sa kakatapos na 18th Congress, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act. Binibigyang mandato nito ang school boards na magpatupad ng kinakailangang reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon.
Ang tagumpay ng mga programang ito ay masusukat sa mga batayang tulad ng participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng dropouts at out-of-school youth, achievement scores sa mga national tests, assessment tools, at iba pang standardized test scores. Gagawing batayan ang pagkakaroon ng mga child development centers at suporta sa special education at Alternative Learning System (ALS).
Ipinapanukala ni Gatchalian ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang magamit sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa elementarya at high school, sahod ng mga guro at capital outlay sa preschool, pagpapatakbo ng mga programa sa ALS, at iba pa. (NIÑO ACLAN)