TIWALA si Senator-elect Alan Peter Cayetano na katulad ng South Korea, sisikat din sa buong mundo ang sining at kultura ng Filipinas.
“Alam mo ‘yung pinagdaanan natin pagdating sa performing arts, sa [visual] arts, sa maraming bagay, sa mga produkto, pinagdaanan ng Korea ‘yan,” pahayag ni Cayetano sa kanyang talumpati nang pasinayaan ang “Back in the Day,” isang art exhibit ng local artist na si Otep Bañez.
Kuwento niya, hinahangaan sa South Korea ang mga gawang Filipino.
“No’ng umikot kami sa Korea, palaging itinuturo sa akin, ‘Sir, ‘yung museum na ‘yan gawa ng Pinoy.’ So they’re so proud na gawa ng Pinoy; (pero) pagbalik sa atin, ang gusto natin gawa ng Koreano,” wika niya.
Umaasa si Cayetano na magiging daan ang marami pang mga establisimiyento para tangkilikin ng mga Filipino ang lokal na sining sa pamamagitan ng mga art exhibit.
“Kasi lagi na lang tayong, ‘Uy ang ganda no’n! Ay pero local,’” aniya.
Bilang tagahanga ng iba’t ibang local artists, kilalang kolektor si Cayetano ng mga painting at eskultura.
“As maybe a representative of your many, many friends who are here, [I want to help revive] ‘yung how the integrated resort once honored Philippine artists, and what better day than Independence Day,” wika ni Cayetano kay Bañez.
Tubong Paete, Laguna, isinasalarawan ni Bañez sa kanyang mga pinta at ukit ang buhay-probinsiya gamit ang matitingkad na kulay at mga imaheng labis ang reaksiyon ng mukha.
Pinuri ni Cayetano ang pagpupunyagi ni Bañez na iangat ang lahat ng Filipino na alagad ng sining sa pamamagitan ng pamumuno sa Paete Artists Guild.
“Thank you, Otep, for making the world a brighter place,” pahayag niya. (NIÑO ACLAN)