ISANG overseas Filipino worker (OFW) na umuwi sa bansa para ayusin ang problema sa lupa ang namatay nang pagsasaksakin ng isang lalaking kaalitan sa lupa sa Lucena City, Quezon.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing pauwi mula sa tanggapan ng barangay ang 56-anyos biktimang si Elena Alzaga, at kaniyang pamilya matapos dumalo sa pag-uusap tungkol sa away sa lupa nang bigla siyang atakehin ng suspek na kinilalang si Marlo Pauang.
Sa isang video, makikitang naglabas si Pauang ng patalim bago hinabol ng saksak ang biktima. Sinubukan pa siyang pigilan ng mga kaanak ng biktima at concerned citizens sa lugar ngunit nabigo sila.
Matapos saksakin ang biktima, sinaksak din ng suspek ang kaniyang sarili. Kasalukuyan siyang inoobserbahan sa ospital.
“Sa tingin namin ay talagang pinagplanohan nitong si Mr. Pauang ang kaniyang gagawing pananaksak dahil bukod sa usapin sa lupa ay may previous na galit,” sabi ni P/Lt. Col. Reynaldo Reyes, Lucena Police Chief.
Kinompirma ng pulisya na maaaring away sa lupa ang pinag-ugatan ng insidente. Aniya, umuwi mula sa ibang bansa si Alzaga upang ayusin ang kanilang naging problema.
Bukod kay Alzaga, dalawang tao pa ang nasugatan sa insidente kabilang ang anak ng biktima.
Ayon kay Reyes ang anak ni Alzaga at ang suspek ay may tama rin ng saksak.
May tatlong tama ng saksak sa parte ng katawan ang biktima. Itinuring na ‘fatal’ ang saksak na tumama sa dibdib ni Alzaga, at ang dalawa pang saksak sa katawan, at braso, na hindi nakapanangga nang atakehin ng suspek.
Binabantayan ngayon ng mga awtoridad si Pauang at nakatakdang ilipat sa custodian facility ng lungsod kapag nakarekober na.