WALA nang buhay ang manager ng isang sanglaan nang matagpuan ng kanilang security guard sa loob ng establisimiyento, na sinaksak ng isa pang guwardiya sa bayan ng Kalibo, lalawigan ng Aklan, nitong Lunes, 6 Hunyo 2022.
Nagkasa ng manhunt operation ang mga tauhan ng PRO-6 PNP nitong Martes, 7 Hunyo, upang masukol ang sekyung hinihinalang sumaksak sa biktima sa loob ng establisimiyento.
Natagpuan ang bangkay ng biktimang kinilalang si Bonna Ambay, 23 anyos, sa loob ng sanglaan sa Mabini St., Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan, kamakalawa ng umaga.
Nakita ng guwardiyang naka-duty na bukas ang folding grill sa loob ng sanglaan at ang wala nang buhay na katawan ni Ambay na naliligo sa sariling dugo.
Sa imbestigasyon, nabatid na ilang beses sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, sinabi ng isang opisyal ng sanglaan na walang nawawalang mahalagang bagay sa kanilang establisimiyento at hindi rin nagalaw ang kanilang kaha de yero.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang handbag na pinananiwalaang pag-aari ng biktima, at pares ng itim na tsinelas na pinaniniwalaang pag-aari ng suspek.
Natagpuan rin ang isang posas, kutsilyong tinatayang may habang 21 sentimetro, long sleeves na uniporme ng guwardiya na may name tag na TORRIEFIEL MR, at isang tuwalya.
Napag-alaman ng pulisya, mag-isang umalis ng sanglaan ang guwardiyang kinilalang si Mark Archie Torriefiel, 31 anyos, noong Linggo ng gabi, batay sa kuha ng CCTV.
Nabatid din na umalis si Torriefiel at ang kaniyang kinakasama sa kanilang bahay at sumakay ng barko sa Caticlan noong Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nagsagawa sila ng follow-up investigation, at narekober ang service firearm ng suspek na kalibre .38 revolver sa kanyang bahay sa Brgy. Cajilo, na kanyang itinago sa ilalim ng puno ng saging.
Patuloy ang paghahanap ng mga alagad ng batas sa suspek habang si Kalibo mayor-elect Juris Sucro ay magbibigay ng pabuyang P30,000 para sa makagtuturo kung nasaan ang suspek.