UMABOT sa 260 indibidwal ang iniulat na bakwit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, 7 Hunyo, sa pagputok ng bulkang Bulusan na hanggang ngayon ay nakasilong sa evacuation center sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa tagapagsalita ng NDRRMC na si Mark Timbal, pansamantalang nananatili ang mga evacuees sa Brgy. Tughan, sa bayan ng Juban, dahil balot ng abo mula sa bulkan ang ilang lugar sa lalawigan.
“So far po, sa atin pong report po na natanggap, isang evacuation center lang po sa Tughan in Juban, Sorsogon ang ginamit po ng 260 nating mga kababayan na nagsilikas po dahil po dito sa ashfall incident,” ani Timbal sa Laging Handa public briefing.
Samantala, naitala ang P20-milyong pinsala sa agrikultura ayon sa datos ng Department of Agriculture (DA), kabilang ang mga palay at iba pang pananim, livestock at poultry.
Sa pahayag ni Governor Francis “Chiz” Escudero, manageable pa ang sitwasyon sa antas ng local government unit (LGU).
Walang iniulat na nasiraan ng mga bahay at hindi napatid ang mga serbisyo ng pamahalaan at public utilities gaya ng tubig, koryente, at telecommunications.
Matatandaang nagkaroon ng 17-minutong phreatic eruption ang bulkang Bulusan nitong Linggo ng umaga, 5 Hunyo kaya itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) sa Alert Level 1.