OPISYAL nang inilabas ni Moira dela Torre ang comeback single niyang Kumpas na nagsisilbing theme song ng bagong ABS-CBN Entertainment series na 2 Good 2 Be True.
Kumuha ng inspirasyon ng kanta hindi lang sa serye kundi pati na rin sa real-life love story ng mga bida nitong sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
“Hindi lang ito sa synopsis ng ‘2 Good To Be True’ nakabase but sa documentary ng KathNiel,” ani Moira sa naganap na 2 Good 2 Be True grand media conference na ipinarinig din niya ang kanta. “It was really made for KathNiel and ‘2 Good To Be True.’”
Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo naman ang nasa likod ng produksiyon ng bagong awitin sa ilalim ng Star Music.
Inilalarawan ng Kumpas ang pinahahalagahang tao ng isang nagmamahal na itinuturing niyang kumpas o tagaligtas sa panahon ng bagyo at gabay tungo sa tamang daan.
Maririnig na ang kantang Kumpas ni Moira sa iba’t ibang digital streaming platforms.