Natagpuan ng mga nagrespondeng rescuer ang mga katawan ng isang lalaki at ng kaniyang anak na pinaniniwalaang nalunod, isang araw matapos umalis sa kanilang hahay para lumangoy sa isang ilog sa Brgy. Banawel, bayan ng Natonin, sa Mountain Province, nitong Linggo, 15 Mayo.
Kinilala ni P/Capt. Carnie Abellanida, deputy information officer ng Cordillera PRO, ang mga biktimang sina Rindo Charwasen, at nak na si Renz Ardel Charwasen, isang Grade 4 pupil sa Layog-Ogtong Public School.
Ayon sa ulat ng Natonin MPS kay P/Capt. Abellanida, umalis ang mag-ama sa kanilang bahay bago magtanghalian noong Sabado, 14 Mayo, at nagtungo sa ilog sa Sitio Nambatuwan, Brgy. Banawel.
Naalarma ang kanilang mga kaanak nang hindi sila nakauwi hanggang gabi kaya nagsimula silang hanapin ang mag-ama.
Kinabukasan, 15 Mayo, nagresponde ang pulisya at mga tauhan ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO) at nagsagawa ng search operation sa ilog.
Unang nakita ng mga rescuer ang amang si Rindo malapit sa pampang ng ilog, may lalim na limang metro, saka nila nahanap si Renz Ardel na dalawang metro ang layo mula sa kanyang ama.