IBINASURA ng election lawyer na si Romulo Macalintal ang paratang ni presidential aspirant Ferdinand Marcos, Jr., na siya’y dinaya noong halalan sa pagka-bise presidente noong 2016.
Ayon kay Macalintal, tumayong abogado ni Vice President Leni Robredo sa protestang inihain ni Marcos, walang katotohanan at walang batayan ang akusasyon ni Marcos.
“Iyong sinasabi ni Mr. Marcos na nadaya siya noong 2016 at ang pagkakapanalo ng Vice President ay dahil sa daya, iyan po’y walang katotohanan,” wika ni Macalintal.
“Iyang mga statement na iyan ni Mr. Marcos, iyan ang sinasabi nating statement ng mga kandidatong hindi marunong tumanggap ng pagkatalo,” dugtong niya.
Iginiit ni Macalintal na natalo si Marcos sa bilangan ng balota kasunod ng halalan at sa ginawang recount ng bilang bahagi ng kanyang protesta sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Sinabi ni Macalintal, mismong si Marcos ang pumili sa Iloilo, Camarines Sur, at Negros Oriental bilang pilot provinces kung saan nais niyang ma-recount ang mga boto.
“Nang binilang ang mga balota mula sa mga presinto na kanyang iprinotesta, walang nakitang ebidensiya ng pandaraya. Nagtugma ang count ng mga balota roon sa election returns ng automated election,” ani Macalintal.
Ibinasura ng Korte Suprema, tumatayo bilang PET, ang protesta ni Marcos laban kay Robredo noong nakaraang taon.