PINILI ng apat na dating Philippine Basketball Association (PBA) superstars si Vice President Leni Robredo bilang manok nila sa pagkapangulo ng bansa sa darating na halalan sa Mayo.
Sa isang video kasama ang beteranong PBA coach na si Yeng Guiao, nagdeklara ng buong suporta kay Robredo sina Jojo Lastimosa, Olsen Racela, at Johnny Abarrientos.
Una nang nagdeklara ng suporta kay Robredo sina Guiao at dating national team head coach Chot Reyes.
Sa video, sinabi ng mga dating PBA superstar na si Robredo ang nararapat maging susunod na lider ng bansa, batay sa kanyang katangian at track record bilang lingkod-bayan.
“Sa basketball, hindi puwedeng pa-absent-absent kapag may training or laban. Dapat laging present. You show up in the most difficult times,” wika ni Racela, na ngayo’y head coach na ng Far Eastern University (FEU) at assistant coach ng Barangay Ginebra.
“Sa basketball, hindi ka pwedeng sumuko. Laban lang nang laban, kahit na pinipilit kang i-foul out ng kalaban,” ani Abarrientos, assistant coach na ng FEU at Magnolia Hotshots.
“Kaya ako, bilib na bilib sa lider na taglay ang katangiang ito,” ani Lastimosa, isa sa mga assistant coach ni Guiao sa NLEX.
Sa pangunguna ni Robredo, naniniwala sila na gaganda ang buhay ng mga Filipino.