“PAGPAPANUMBALIK ng sigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay tulong sa pamilyang Filipino, sa maliliit na negosyo, at sa mga nawalan ng trabaho ang prayoridad ni VP Leni Robredo.”
Binigyang diin ito ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes batay sa plano ni VP Leni “post-COVID recovery” na tutulong sa pagbangon ng maliliit na negosyo o MSMEs, at palalakasin ang “purchasing power” ng mamamayan.
Ani Trillanes, muling tumatakbong senador sa ilalim ng team ni Robredo, ang legislative priority ng bagong administrasyon ay isang mahabang listahan ng mga polisiyang pang-ekonomiya na magbibigay ng ayuda sa mga apektado ng pandemya.
“Kung tayo ay palaring maging senador muli, at kung maging presidente si VP Leni, ang unang ipapasa ko ay ‘yung kanyang post-COVID economic recovery program,” ani Trillanes sa isang panayam sa programang Serbisyong Leni sa RMN.
“‘Yan po ang marching orders doon sa buong Senate slate ni VP Leni. Kasi within the first 100 days, kailangan natin itong ipasa lalo na ‘yung ating ekonomiya ay nasa critical condition,” dagdag niya.
Ilan sa mga panukalang ito ang unemployment insurance, ayuda sa MSMEs, at ayuda sa mahihirap na pamilya.
“Meron pong unemployment benefits tulad ng ayuda para sa nawalan ng trabaho, para may pantustos sila sa gastusin araw-araw habang naghahanap ng trabaho,” ani Trillanes, na nagsabing ang unemployment insurance ay bahagi ng “Hanapbuhay Para sa Lahat” project na isiniwalat ni Robredo ilang buwan na ang nakalilipas.
“Isa rin dito ‘yung government employment program. Ito ‘yung mag-generate ng trabaho,” ani Trillanes.
“Magkakaroon tayo ng subsidy o financial assistance sa maliliit na negosyo para private sector naman ang gagawa ng trabaho.”
Sa ilalim din ng “Hanapbuhay Para sa Lahat,” bibigyan ng mas malaking ayuda ang MSMEs habang sila ay isasama sa government procurement program.
Sinabi ni Trillanes, bahagi ng plano ni Robredo na palakihin ang ayuda sa mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng paglalaan ng P216 bilyon sa national budget.
“Meron din ayuda sa mga pamilya para mayroon silang panggastos at lumakas ang purchasing power. Ito naman ang mag-i-increase ng demand sa ating ekonomiya,” aniya.
Ito ang mga programang magpapalakas sa ekonomiya ng bansa sa pagbangon mula sa masamang epekto ng pandemya.