NAGPAKITANG-GILAS ang isang Filipino-American sa 14th annual Foxwoods Open International Chess Championship na nagtapos nitong Abril 17, 2022 na ginanap sa Foxwoods Resort Casino & Hotel sa Connecticut, USA.
Si Donato Gamaro ay gumawa ng ingay sa Estados Unidos na nagtala ng pinakamalaking tagumpay sa kanyang chess career.
Kilala sa tawag na Gerry sa chess world na isang engineer at golfer sa Queens, New York ang naghari sa Under 1600 division na nagkamada ng 6.5 points matapos talunin si Karim Naba sa final round ng 7-round Swiss System Tournament. Sa kanyang pagwawagi sa regular game 60 minutes plus 10 seconds delay time control format ay kumabig siya ng US$2,325.
“No words can express. It is everybody’s dream to win a championship title in any major tournament,” sabi ni Gamaro na tubong Calauan, Laguna.
Nagkampeon din si Gamaro sa Blitz side event.
Ang susunod na lalahukan na International Chess Tournament ni Gamaro ay ang 50th annual World Open Chess Championship Under 2000 category sa Hulyo sa Philadelphia, Pennsylvania, USA. -Marlon Bernardino-