KUNG hindi man isususpende o ipapatigil ng Executive Department ang e-sabong, mas mainam na magpatupad ng estriktong panuntunan para rito, ayon kay Senador panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, may social cost na kapalit ang patuloy na pamamayagpag ng e-sabong lalo sa mga bata at matatanda na malululong sa sugal.
“At least man lang strict regulation. Huwag 24 hours,” panawagan ng senador sa isang press conference sa Maddela, Quirino nitong Miyerkoles.
“Dapat mahigpit ang regulatory authority ng Pagcor,” dagdag nito, lalo’t mahirap i-monitor ang online nature ng e-sabong.
Paliwanag ng senador, mapanganib ang maaaring maging resulta ng pagpapatuloy ng e-sabong lalo na’t may mga ulat na may ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang hindi nakauuwi dahil sa utang mula sa pagsusugal o kaya naman ang mga magulang mismo ang sumasalo ng pagkakautang ng anak mula sa e-sabong.
Mayroon aniyang mga ulat na nagpapakamatay dahil dito, maging ang mga napapaulat na pulis na nagnanakaw sa convenience store para makabayad sa utang.
“Ito ang hindi tangible pero lumalabas na may nangyayaring actual problems sa e-sabong,” giit ni Lacson.
Dagdag niya, ang P1.6 bilyon kita sa e-sabong kada araw ay nanggagaling sa mga ordinaryong Filipino na nalulong sa nasabing sugal.
Para sa senador, maraming mas maayos na paraan para makalikom ng pondo tulad ng tamang pagpapatupad ng batas sa buwis, at pagrerepaso sa mga batas tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Pagbabahagi ng senador, nagpanukala siyang amyendahan ang TRAIN law para mabawasan ang exemptions sa value-added tax ngunit mas marami ang bumoto sa Senado laban dito.
Kabilang sa posibleng gawin ng gobyerno ang pag-digitalize ng mga transaksiyon sa gobyerno para masiguro na wala nang magiging puwang ang human intervention at korupsiyon sa mga proseso ng gobyerno. (NIÑO ACLAN)