FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
KAKATWANG idinetalye ni Pangulong Duterte sa harap ng matalik niyang kaibigan at spiritual adviser na si Pastor Apollo Quiboloy na tatlong pangunahing katangiang dapat ikonsidera ng mga Filipino sa pagboto ng susunod na pangulo ay pareho ng aking mga prayoridad sa pagpili ng bagong mamumuno sa bansa sa Mayo 9.
Walang tututol sa kanyang three-fold yardstick para sa pinunong dapat na iluklok sa puwesto ng mga Filipino. Ayon sa kanya, ang mga pangunahing kalipikasyon ay una, isang mapagmalasakit na leader; pangalawa, mabilis at may paninindigan sa pagpapasya; at ikatlo, mahusay sa pagtitimbang-timbang ng karakter.
Nagpaliwanag si Mr. Duterte sa mga punto niyang ito sa kanyang umereng pakikipagtalakayan kasama si Quiboloy sa pagkukuwento kung paanong pinatuloy noon ng kanyang ama sa kanilang bahay ang mga palaboy at nagugutom sa panahong masyado pa siyang bata para magpakita ng malasakit sa iba; pagbibigay-diin kung paanong ang pagiging desidido ay katangian ng isang abogadong batid ang mga limitasyon ng batas; at pagpapaliwanag kung paanong ang kakayahan sa mahusay na pagtitimbang-timbang sa karakter ay importante sa pagtatalaga ng tungkulin at kapangyarihan sa mga opisyal ng gobyerno.
Sa puntong ito, gayunman, wala na rin silbi kung aasamin ko na isabuhay ng Pangulo ang kanyang sariling mga pamantayan. Masyado nang kakaunti ang natitirang panahon sa kanyang termino para magpatupad ng pagbabago. Pero natutuwa naman akong inilahad niya ang tatlong katangiang ito upang mapagnilayan ng kanyang masusugid na tagasuporta bago sila magsiboto.
Bagamat ilang beses na niyang sinabi na hindi siya mag-eendoso ng sinumang kandidato, maliban na lang kung may “matinding dahilan para mapilitan siya,” malinaw sa aking intindi na ang pangunahing napipisil niya para maging kanyang kahalili ay isang kandidatong hindi kinakaya ng kanyang political pride.
Sa mga nangunguna sa pre-election surveys, hindi ba’t ang kandidatong inilarawan ni Mr. Duterte bilang pinakakarapat-dapat na maging susunod na presidente – mapagmalasakit, isang abogado, at mahusay sa pagtitimbang-timbang ng karakter – ay tumutukoy sa babaeng naka-pink? Nagpapatawa man o seryoso, ang dating sa akin ay ineendoso niya si Vice President Leni Robredo.
Kung maaari kong idagdag ang tatlong pangunahing payo ko sa mga tagasuporta ni Duterte para maayos silang makapili ng susunod na pangulo, iyon ay ang iwasan nilang bumoto ng isang pinunong taglay ang tatlong nakadedesmayang katangian ng kasalukuyang residente ng Malacañang.
Una na ang kahiya-hiyang pagtiklop sa halip na depensahan ang ating mga sagradong teritoryong pangkaragatan kahit pa balido at may pandaigdigang suporta ang matagumpay at legal nating pag-aangkin sa mga ito. Ikalawa ay ang kapalpakan sa kanyang karakter na para sa buong mundo ay kawalan ng kadisentehan at pagiging sibilisado na nagpatamlay sa kompiyansa sa Filipinas sa pakikibahagi sa mga oportunidad sa pagnenegosyo, polisiya, prebilehiyo, at pagtutulungan. At ikatlo, ang wala sa lugar na pambabalewala sa mga umiiral na batas at sa kasagradohan ng buhay sa pagharap sa mga suspek sa krimen na para bang walang karapatang pantao.
Marahil, mas positibo ang magiging panghuhusga ng publiko sa mga iiwang pamana ni Mr. Duterte kung tumalima lamang siya sa sarili niyang mga pamantayan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.