Sunday , December 22 2024

Lumayo na ang Senado sa paghahanap sa mga sabungero

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BILANG isang tunay na maginoo, humarap nitong Biyernes ang negosyante at dating government gaming consultant na si Charlie “Atong” Ang sa imbestigasyon ng Senado sa pagkawala ng 31 sabungero.

Tulad ng isang billion-dollar gambling boss, hindi si Ang ang tipong tumitiklop sa imbestigasyon ng Kongreso. Pero sa palagay ko, dahil sa kanyang testimonya ay napalayo na ang komite ng Senado sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga kawawang sabungero para maibalik sila sa kani-kanilang pamilya.

Sa halip, matagumpay na napanindigan ni Ang ang kanyang imahen bilang isang masunurin sa batas, masugid na tagasuporta ng gobyerno, at responsableng mamamayan na ‘biktima ng sabtawan’ na layuning mapabagsak ang kanyang dambuhala at nakaiinggit na operasyon ng e-sabong.

At kapani-paniwala ang kanyang pahayag na nagsabwatan ang mga karibal niya sa e-sabong laban sa kanyang Lucky 8 Star Quest Inc., na ang mga e-sabong operators ay nakakokopo ng 90 porsiyento ng tayaan.

Bilang isang manonood, walang dudang nakuha niya ang simpatiya ng mga naroroon sa Senado sa mga nakagugulat niyang pagsisiwalat at sa kahandaan niyang sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman – lalo na tungkol sa ‘pinakamalaking gambling operator sa bansa na kontrolado rin umano maging ang bawat pangulo’ – sa isang closed-door executive session.

Nagbanggit pa siya ng mga bigating pangalan upang masigurong makukuha niya ang atensiyon ng nag-iimbestigang komite ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Pinangalanan ni Ang ang umano’y gambling lord na si Bong Pineda; isang “Congressman Teves,” isang “General Cascolan,” si dating Agbiag Party-list representative Patrick Antonio, at si Mayor Elan Nagaño ng San Leonardo, Nueva Ecija.

Dahil sa talento ni Mr. Ang, nakaabang tayo ngayon sa mga detalye tungkol sa misteryoso niyang pagkakaugnay sa mga operasyon ng e-sabong sa bansa, kung paano kikita ng bilyon-bilyong pinapangarap nating lahat, at sa lumutang na kontrobersiya dahil malalaking pangalan ng mga opisyal ng gobyerno ang isinasangkot dito.

Pinatindi niya ang entertainment value ng imbestigasyong ito ng Senado. Gayunman, walang kahit isa man ang magsisiwalat sa atin ng katotohanan kung ano na nga ba ang nangyari at nasaan na ngayon ang mga nawawalang sabungero.

* * *

Bilang pahabol, hindi man lang nayanig ng pagdinig ng Senado si Mr. Ang kahit pa halos tukuyin na siya ng mga senador bilang ‘person of interest’ o suspek sa kasong pasok na sa kidnapping o kaya naman ay maramihang pagpatay.

Sa halip, ang niyanig ng mga senador ay ang mga online payout company na G-Cash at Paymaya pagkatapos mabanggit na ¾ o 75 porsiyento ng mga taya sa e-sabong ay idinadaan sa G-Cash.

Kinailangang ipagtanggol ng Paymaya at G-Cash ang kanilang sarili laban sa lumutang na posibilidad na nagagamit sila sa pagtaya ng mga menor de edad o bata hanggang nauwi na sa pagtanggi nila sa mga on-the-spot theories na maaaring nagagamit ng mga terorista at money launderers ang kani-kanilang online payment systems.

Pinabulaanan ng GCash ang mga alegasyon, ikinatwiran ang mga paraang teknikal na nakapipigil sa mga menor de edad para masangkot sa tayaan, habang tiniyak naman ng Paymaya na mayroon itong epektibong polisiyang “know-your-client” policy.

Sa kabila nito, sila pa rin ang binalingan nina Senator Dela Rosa at Senator Francis Tolentino, nagmungkahing para makaiwas silang masangkot sa kaso bilang mga “virtual betting stations for e-sabong,” dapat na tanggalin na lang ang GCash at Paymaya sa mga e-sabong sites bilang paraan ng pagbabayad.

Aba! Kung ako ay isang ehekutibo sa GCash o Paymaya, mas pipiliin ko nang masalang sa “hot seat” ni Atong Ang.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …