PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
HINDI makakalimutan ng The IdeaFirst Company artist na si Cedrick Juan ang pagtanggap niya ng parangal sa ginanap na Film Ambassadors’ Night 2022 ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong February 27 sa Manila Metropolitan Theater.
Kabilang si Cedrick sa 77 honorees sa FAN 2022. Ang FDCP ay nagbigay-pugay sa mga taong tinitingala sa industriya na nagpamalas ng galing, at sa kanilang mga pelikulang nagbigay karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanilang pagwawagi ng awards at citations mula sa mga pinaka-iginagalang na film festivals sa buong mundo.
Kasabay ni Cedrick na pinarangalan ang co-stars niya sa pelikulang Gitarista na sina Anna Luna at Noel Comia Jr. Kinilala ang husay nila makaraang manalo ng Best Ensemble award sa International Film Festival Manhattan 2021 para sa Gitarista na idinirehe ni Jason Orfalas.
Ibinahagi ni Cedrick sa Facebook ang mga larawan niya sa FAN 2022 kasama ang caption na, “Ang daming emosyon sa pagattend ng ika-anim na taon ng Film Ambassadors Night ng Film Development Council of the Philippines. Una, dahil sa pandemya, Ngayon na lang ulit ako nakapunta sa ganitong event ng mga Filipino film makers. Pangalawa, Ngayon lang ako nakapasok sa Manila Metropolitan Theater, 1996 ng isara ito. Nakakamangha ang ganda ng MET, at nakakamiss pumasok sa theater! Gustong gusto ko na ulit magrehearse at magtanghal sa entablado! Pangatlo, ang recognition na ibinigay ng FDCP sa mga Filipino film makers na nagbigay karangalan sa Pilipinas sa international film festivals. Maraming salamat @fdcpofficial at Ms. @lizadino sa recognition na ito. Salamat direk @jasonorfalas sa pagtitiwala sa aming lahat ng actors mo sa Gitarista, you guided us every step of the way kaya nakuha natin ang Best Ensemble award sa International Film Festival Manhattan 2021. Salamat at ipagpatuloy mo sana ang pagsuporta sa mga Pelikulang Pilipino Mr. @dennisevangelista888 Thank you @misskayce for my Modern Macario Sakay-inspired look and also to my @theideafirstcompany family! Tara 2022!!”
Samantala, mula sa team ng The IdeaFirst Company, pinarangalan din ang pelikulang Big Night directed by Jun Robles Lana, na kabilang sa A-List Citations matapos maging bahagi ng 2021 Tallinn Black Nights Film Festival noong September 2021.
Binigyan rekognisyon din ang IdeaFirst artist na si Elijah Canlas dahil sa pagkapanalo niya ng Best Actor sa 2021 Harlem International Film Festival para sa pelikulang Kalel, 15 written and directed by Jun Robles Lana. Dagdag parangal ito kay Elijah na nanalo rin sa Gawad Urian, FAMAS, at sa 17th Asian Film Festival in Rome, Italy para rin sa nasabing pelikula.