Wednesday , December 25 2024
Pasinaya 2022

Pasinaya 2022, idadaos ngayong Pebrero 27

SA PANAHON ng ligalig, balikan natin ang mga anyo ng panitikan at malikhaing panulat na tumatak sa mahahalagang yugto ng ating kasaysayan.

Birtuwal na idaraos ngayong Pebrero 27, 2022 ang “Pasinaya: CCP Open House Festival: 2022 Palabas.” Ang tema ng “Pasinaya 2022” ay “Sana All: Lumilikha at Lumalaya.”

Umiikot ang tema sa ika-36 taong paggunita ng People Power Revolution na nangyari mula Pebrero 22 hanggang 25, 1986.

Inorganisa ito ng Cultural Center of the Philippines o CCP sa pakikipagtulungan ng Musikang Filipino, Ani Almario, ng Adarna House, Jayson Vega, ng Pinoy Books Book Club, Joel Costa Malabanan, Abet Umil, Kevin Paul D. Martija, Jesse Bartolome, Zephra Lagos, at The Indie Publishers Collab PH.

Mapapanood ang “Pasinaya” sa mga opisyal na Facebook pages ng CCP at CCP Intertextual Division.

Kabilang sa palatuntunan ang pagsasalaysay ng kuwento ng isang kabataang celebrity, isang “book videoke performance,” at isang pagtalakay sa nobelang Mass ng yumaong Pambansang Alagad ng Sining na si Francisco Sionil Jose.

Pangungunahan ang talakayang ito ni Jayson Vega, tagapagtatag ng Pinoy Books Book Club. Idaraos din po ang isang online book fair na magtatampok ng mga aklat ng mga manunulat na Pilipino ukol sa kalayaan at pagiging makabayan.

Kasama sa mga akdang itatampok ang Gotcha:An Expose on the Philippine Government (Jarius Bondoc), Beyond the Bansalan Skies (Leila Rispens-Noel), Black (Michellan Alagao), Fate of a Distant Future (Renato Tranquilino-Orosa-Nakpil), Malate (Dr. Louie Mar A. Gangcuangco), Ang Lunes na Mahirap Bunuin (with English translation, by Atty. Nicolas B. Pichay), Ka Bel (Ina Alleco R. Silverio), Tugmaang Matatabil (Alex Pinpin), at A Red Rose for Andrea: Writings in Prison (Angie Ipong).

Itatampok ngayong taon ang mga panayam na may kabuuang pamagat na “OPM’s Not Dead! Ang Panitik sa Musika ng Asin, Banyuhay, at Pinoy Punk.”

Kabilang rito ang “Mga Awiting ASIN, Timpladang People Power” ni Abet Umil, “Ang Kalamansi sa Sugat ni Ka Heber: Salamin ng Lipunan Bago at Pagkatapos ng EDSA Revolution” ni Joel Costa Malabanan, at “Mga Awiting Punkista sa Panahon ng Rehimeng Marcos at Aquino” ni Kevin Paul Martija.

Si Abet Umil, fakulti sa Kagawaran ng Filipinolohiya, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sta. Mesa, nagtuturo rin sa sangay sa Biñan. Kasalukuyang tinatapos ang kanyang tesis sa programang MA sa Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos ng digring BA Araling Pilipino, at Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa pareho ring unibersidad. Ang kanyang mga salin ng akdang teknikal at panitikang pambata ay ginagamit sa mga komunidad ng OFW sa UK, Australia, New Zealand, bago lamang sa larangan ng pananaliksik. Autor ng dalawang aklat pampanulaan, tatlong koleksyon ng kanyang mga tula ginawaran ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1997, 1995, 1991, at iba pang gawad; editor ng dalawang aklat pampanitikan. Bilang filmmaker, panalo rin sa Gawad CCP para sa Alternatibong pelikula ang unang dokyu na kanyang dinirek, assistant director sa isang 35 mm. short feature, grand prize sa isang international film festival. Dating segment producer, at blogger sa dalawang TV network. Naging organizer, istap, manunulat sa mga NGO na may adbokasiyang pangkalusugan, pangmagsasaka, pangmanggagawa at iba pa. Si Abet ay bokalista, lirisista, kompositor din ng bandang Bersus, at nakapagtanghal sa mga produksiyon, konsiyerto, telebisyon.

Si Joel Costa Malabanan ay isang makata at musikerong guro. Kasalukuyan siyang full time propesor ng Filipino sa Fakulti ng mga Sining at Wika  sa Philippine Normal University.  Nagtapos siya ng kolehiyo sa Cavite State University sa kursong Bachelor of Science in Agriculture major in Agricultural Economics at nakakumpleto naman ng kanyang digring Master sa Sining sa Wika at Panitikan sa Filipino sa De La Salle University, Taft Avenue. Sa University of the Philippines, Diliman naman niya tinapos ang kanyang Ph.D sa kursong Philippine Studies. Bilang makata, nagkamit siya ng Ikatlong Karangalang Banggit sa Talaang Ginto 2010 na iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino  at nagkamit ng unang karangalan sa DALITEXT, isang patimpalak sa paglikha ng tula gamit ang cellphone na inisponsor ng NCCA noong 2003. Naging grandprize winner siya ng DALITEXT tungkol sa climate change na inisponsor ng United Nation Information Center noong 2014. Bilang musikero, nakagawa siya ng mahigit 220 awit at nakapaglabas ng 16 independent music albums.  Ang awit niyang “Speak in English Zone” ay pangunahing ginagamit ng mga guro ng Filipino at ang awit niya namang “Katapusan” ay isa sa mga finalists ng KANTALIKASAN 2018 sa Environmental Song Writing Competition ng Environmental Management Bureau – Department of Environment and Natural Resources (DENR). Siya ang tagapagtag ng Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP). Nakapagsulat na rin siya ng maraming piyesa ng balagtasan, sabayang pagbigkas at mga dula na naitanghal na sa iba’t ibang paaralan. Nagtuturo rin siya ng Baybayin sa mga seminars at workshops. Kasalukuyan siyang technical adviser ng The Torch Publications ng Philippine Normal University. Kasapi rin siya ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) na nananawagan sa pagpapanatili ng pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Si Kevin Paul D. Martija o mas kilala bilang Ose ay Katuwang na Propesor sa Unibersidad ng Makati. Natapos niya ang kursong sa Batsilyer Sa Sekondaryong Edukasyon Medyor sa Kasaysayan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong 2013 at natapos naman niya ang Masteral sa Araling Filipino Medyor sa Wika, Kultura, at Media sa Pamantasang La Salle noong 2017. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Doktorado sa Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagawaran ng mga parangal gaya ng Pinakamahusay na Tesis na iginawad ng Pamantasang La Salle para sa kayang tesis masteral na pinamagatang “Kasaysayan ng Kilusang Punkista ng Kamaynilaan: 1980-1989”. Ginawaran din siya ng parangal bilang Pinakamahusay na Guro ng Unibersidad ng Makati para sa taong pampanuruan 2017, 2018, 2019. Naimbitahan at nakapagbasa ng mga saliksik sa lokal at internasyunal na mga sampaksaan at kumperensya. Naging paksain ng ilan niyang publikasyon at saliksik ang kasaysayan ng  ilang mga kilusang kabataan sa bansa.

Magtatanghal din ang bandang Tim Awa ni Zephra Lagos (isang rendisyon ng “Himig ng Pag-ibig” ng ASIN at kanilang komposisyon) at si Jesse Bartolome (mga rendisyon ng “Inutil na Gising” / “Karaniwang Tao”). Si Jesse Bartolome, kapatid ng namayapang si Heber Bartolome, ay ang natitirang kasapi ng Banyuhay. Ang ASIN at Banyuhay ang nangungunang mga folk-rock band noong dekada 70 hanggang dekada 90 na umaawit tungkol sa mga isyung panlipunan.

Libre at bukas po ito sa publiko. Para sa karagdagang detalye, mangyaring makipag-ugnayan kay Jeannie Maglaque sa [email protected] o sa CCP Intertextual Division sa [email protected] o sa cellphone number 09291157008#

About hataw tabloid

Check Also

MMFF 2024 Parade of Stars

Parade of Stars nagningning, dinumog at pinagkaguluhan

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio STAR studded at matagumpay ang MMFF 2024 Parade of Stars noong Disyembre …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Krystall Herbal Oil

Pulikat sa lamig ng panahon pinapayapa ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …