NAGPASALAMAT si reelectionist Senator Joel “Tesdaman” Villanueva kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez at sa buong team nito, sa pag-endoso ng kaniyang kandidatura upang muling makabalik sa senado sa eleksiyon sa 9 Mayo 2022.
Sa pagdalaw ni Villanueva sa lungsod, hindi basta endoso sa salita ang ginawa ni Olivarez at ng buong team nito kundi itinaas ang kamay ni Tesdaman.
Agad nagpasalamat si Villanueva sa tiwala at patuloy na suporta ng mga Olivarez sa kanyang kandidatura.
Hindi naitago ni Villanueva na balikan ang unang pagtakbo niya, noong isang gabi habang nakikipaghapunan sa mga Olivarez ay binigyan siya ng inspirasyon at lakas ng loob para tumakbong senador na sa huli ay nanalo nga siya.
Sinabi ni Olivarez, naniniwala sila hindi lamang sa mga nagawa o track records ni Villanueva kundi maging sa integridad na kanyang taglay.
Umaasa si Olivarez, sa kanyang pagbabalik sa kongreso dahil tatakbo siyang congressman at makatutuwang niya si Villanueva sa senado kung kaya’t nais niya itong manalo.
Iginiit ni Olivarez, ang kailangan natin sa senado ay mambabatas na talagang nagtatrabaho, nagbibigay trabaho at hanapbuhay para sa bawat mamamayang Filipino.
Samantala, nagpapasalamat si Villanueva sa patuloy na tiwala sa kanya ng tambalang Lacson-Sotto at iba pang mga tambalan na nag-eendoso ng kanyang pangalan. (NIÑO ACLAN)