TUMATANGGAP na ng aplikasyon ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa FilmPhilipines Office Incentives Program 2022 Cycle 1. Ito ay bukas para sa lahat ng international production companies na may proyekto katuwang ang isang film producer o company mula sa Pilipinas.
Nag-aalok ang Pilipinas ng mga insentibo para makahikayat ng mga banyagang production companies na piliin ang bansa upang maging film location at mapag-ibayo rin ang co-production para sa international film at audiovisual projects na nasa production at post-production, gayundin ang mga producer mula sa ibang bansa na nag-iisip na makipagtrabaho para sa isang co-productions kasama ang isang producer mula sa Pilipinas.
Maaaring magpasa ng aplikasyon ang mga interesadong filmmaker at production companies para sa mga sumusunod na incentive programs: Film Location Incentives Program (FLIP), International Co-production Fund (ICOF), at ASEAN Co-production Fund (ACOF).
Ang mga nabanggit na incentives program ay magkakaroon ng tatlong application period ngayong taon, ang buwan matapos ang bawat isa ay nakalaan para sa deliberasyon ng Selection Committee: Cycle 1: Pebrero 7, 2022- Marso 31, 2022 (buwan ng Abril ang deliberasyon); Cycle 2: Mayo 2, 2022-Hulyo 29, 2022 (buwan ng Agosto ang deliberasyon); Cycle 3: Setyembre 1, 2022- Nobyembre 29,2022 (buwan ng Disyembre ang deliberasyon).
Mula pa noong 2020 ay masigasig na ang FilmPhilippines Incentives (FPI) sa pagpupunyaging maipamalas ang kagandahan at kaakmaan ng Pilipinas bilang isang filming destination. Dahil sa mga incentives programs na ito ng FDCP, sa pamamagitan ng FilmPhilippines Office, na nagbibigay ng pondo para sa lokal at internasyonal na co-production, ay nakapagbubukas ng oportunidad para sa mga Filipinong film producer upang maging line producer, partner o co-producer para sa produksyon ng mga de-kalidad na proyekto na nagpapaibayo sa internationalization at professional development. Lumilikha din ito ng mga trabaho para sa lokal na manggagawang pampelikula, at nagpapasok ng karagdagang kita para sa mga negosyo sa bansa.